Home NATIONWIDE ‘Foul play’ sa nasawing grad stude sa traysi, pinasisilip ng pamilya

‘Foul play’ sa nasawing grad stude sa traysi, pinasisilip ng pamilya

1
0

MANILA, Philippines — Kinukuwestiyon ng pamilya ng 23-anyos na college student na namatay isang araw bago ang kanyang graduation ang pahayag na basta na lamang siya nahulog mula sa umaandar na tricycle sa Barangay Borol 2nd, Balagtas, Bulacan.

Namatay ang estudyante dahil sa matinding pinsala sa ulo matapos ang insidente noong Hulyo 8. Itinuturing na ngayong mga suspek ng mga awtoridad ang tricycle driver at ang kapatid nitong isa sa mga pasahero habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Makikita sa CCTV footage na sumakay ang biktima sa tricycle dakong alas-11 ng gabi. Narekord naman sa isa pang camera ang malakas na lagabog at ang pagsigaw ng mga nakasaksi upang tawagin ang pansin ng driver, ngunit walang CCTV na nakakuha sa mismong sandali ng umano’y pagkahulog.

Sinabi ni Balagtas Police Chief P/Maj. Mark San Pedro na hindi agad huminto ang driver at ang isa pang pasahero para tulungan ang biktima.

“Sa halip po na hintuan siya nung driver ng tricycle, and then ‘yung… kasama na passenger na isa pa, eh hindi nila hinintuan ‘yung biktima natin,” ani San Pedro.

Hinabol umano ng isa pang tricycle driver ang sasakyan at kinumbinsi ang driver na bumalik sa lugar.

Dinala ng driver at ng kapatid nito ang wala nang malay na biktima sa isang klinika, na nagrekomendang dalhin siya sa ospital. Gayunman, sinabi ng pulisya na huminto muna sila nang mahigit walong minuto upang humingi ng tulong sa mga barangay tanod na nagkukumpuni ng linya ng kuryente.

Ayon kay Barangay Borol 2nd Executive Officer Norbert Galvez, sinabi sa kanila na tumalon umano mula sa tricycle ang biktima.

“Pagdating doon, nireport sa ‘min na tumalon. So tulog ‘yung bata, tinatanong ko kung naka-inom ba kung papaano ba. Inunat ko yung paa niya, ginigising ko siya sa mukha, ‘Ate, ate,’ ganoon lang tapos talagang naghihilik lang siya,” ani Galvez.

Sa halip na agad dalhin sa ospital, dinala rin umano ng mga suspek ang biktima sa bahay ng isang kamag-anak bago tuluyang isinugod sa pagamutan.

Sinabi ng pamilya na may mga puwang at hindi nagtutugmang detalye sa salaysay tungkol sa nangyari sa loob ng tricycle.

“May something na missing talaga po doon sa story. Sabi nila hindi namalayan. Tinanong ko ‘yung nasa loob bakit mo hindi namalayan na nalaglag. Sabi po niya ay napuwing daw po siya at nagpupunas daw po siya ng mata niya kaya daw po hindi niya namalayan na nalaglag,” ani JB Jacinto, tiyuhin ng biktima.

“Kine-claim nila na wala silang ginawang masama kay Polen,” dagdag niya.

Ikinalungkot ng ina ng biktima na sa halip na umakyat sa entablado para sa graduation, inilagay sa kabaong ang kanyang anak.

“Matagal na panahon nag-aral ang anak ko. Graduation day hindi naka-attend ang anak ko, saan nila nilagay? Sa kabaong? Na dapat ang anak ko masaya na umaakyat dahil sa pagtitiyaga, pagsasakripisyo, paghihirap, lahat,” aniya.

Sinabi naman ng nakatatandang kapatid na si Sharvien Paul Claro na nakaplano sanang ipagdiwang nila sa isang steakhouse ang pagtatapos ng biktima.

“Yung kapatid ko sobrang bait niyan. Ngayon, ‘yung kapatid ko, ‘yung dapat ga-graduate na at aakyat ng stage at kakain sana sila—iti-treat ko sana sila sa isang steakhouse. Biglang nawala ‘yung kapatid ko,” aniya.

Ayon kay San Pedro, inihahanda na ng pulisya ang mga kinakailangang dokumento matapos magpasya ang mga magulang ng biktima na magsampa ng reklamo.

“Ongoing pa rin po kasi ang aming investigation, subalit identified naman po itong mga suspect. Pine-prepare na po natin yung mga kaukulang papeles. Base na rin po sa desisyon ng parent ng ating biktima, magtutuloy sila ng reklamo laban sa ating mga suspect,” aniya.

Sa isang Facebook post, sinabi ng isa sa mga suspek na handa silang makipagtulungan sa pamilya at iginiit na wala silang ginawang masama.

Iniulat ding ibinebenta na ng tricycle driver ang sasakyang sangkot sa insidente. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here