Sa isang roundtable discussion, lumagda sina Brian Poe Llamanzares, unang nominado ng FPJ Panday Bayanihan Partylist, at Gabriel Aranzamendez, Pangulo ng Confederation of Filipino Workers, sa isang Memorandum of Agreement (MOA) na naglalaman ng mga mahahalagang polisiya na nais bigyang-priyoridad ng dalawang grupo.
Pumaloob sa isang kasunduan ang FPJ Panday Bayanihan Party-list at Confederation of Filipino Workers (CFW) upang isulong ang mga adbokasiya para palakasin ang sektor ng paggawa at itaguyod ang kanilang mga karapatan at kapakanan.
Lumagda si Brian Poe Llamanzares, unang nominado ng FPJ Panday Bayanihan partylist, sa Memorandum of Agreement gayundin ang pangunahing lider ng mga manggagawa na sina Gabriel Aranzamendez, Pangulo ng CFW; Angelina de Ocampo, Pangalawang Pangulo ng CFW; Anton Palmiano mula sa San Jose Workers Union; Engelbert Lasang ng Monde Nissin labor union; Robert Garcia, CFW Influencers Association at Julius Dalumpines, CFW Transportation sector.
Ang Memorundum of Agreement ay naglalaman ng mga pangunahing adbokasiya na nais bigyang-pansin ng grupo sa tulong at pagtutulak ng partylist.
Kabilang dito ang Magna Carta para sa mga Manggagawa sa Pribadong Sektor, ang National Workplace Health and Safety Act, ang National Unemployment Insurance Program (NUIP) at OFW Protection and Reintegration Act.
Gayundin ang usapin sa Labor Rights Education Act, Freelancers’ Rights and Protection Act pati na rin ang pagpapalakas sa Tripartite Industrial Peace Council (TIPC). Layunin ng sama-samang pananaw na ito maitaguyod ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawang Pilipino.
“Ang mahalaga sa partnership na ito ay ang mga adbokasiyang payo na ibibigay ninyo sa akin. Tatlo ang haligi ng FPJ: Pagkain, Pag-unlad, at Katarungan. Yung pag-unlad, kasama diyan ang ekonomiya—kaya trabaho natin ‘yan. At ang katarungan, itong dalawang ito ay napakahalaga para sa ating sektor ng paggawa,” saad ni Poe sa liderato ng CFW.
Ang Confederation of Filipino Workers (CFW) – “Ang Manggagawang Pinoy” ay isang pambansang organisasyon na itinatag noong 1987 at sinasabing may higit 50,000 miyembro mula sa iba’t ibang sektor. RNT