Home METRO French Spiderman na umakyat sa mataas na gusali hinuli sa Makati

French Spiderman na umakyat sa mataas na gusali hinuli sa Makati

MAKATI CITY – Isang free climber na kinilala at tinaguriang “French Spiderman” ang umakyat sa isang mataas na gusali sa lungsod ng Makati ng walang ginamit na harness Martes ng umaga (Marso 5).

Kapalit ng tinamong tagumpay ng suspect na kinilala at tinaguriang “French Spiderman” na si Alain Roberts, 61, sa peligrosong pag-akyat sa 48-palapag na GT International Towers ay ang pagdakip sa kanyang pagbaba ng inakyat na gusali.

Ayon sa Makati City police, ito ang ikalawang pagkakataon na walang ginamit na safety equipment si Roberts maliban na lamang sa dala niyang climbing chalk sa kanyang pag-akyat sa nabanggit na gusali.

Sinabi ng Makati City police chief P/Colonel Edward Cutiyog na dakong alas 10:00 na ng umaga nang makatanggap sila ng report tungkol sa ginawang pag-akyat ni Roberts sa naturang gusali kung kaya’t nang kanyang pagbaba ay agad siyang inaresto ng mga pulis at nahaharap sa kasong alarm and scandal.

Ang lahat ng dumadaan sa harap ng gusali na inakyat ni Roberts kabilang na rin ang ilan sa mga sasakyan ay tumigil para makit lamang siya kung papaano niya inakyat ng walang safety equipment ang ika-10 pinakamataas na gusali sa bansa.

Bilang safety precaution ay naglagay ng inflatable safety mat ang emergency responders kung sakali man na mahulog si Roberts sa kanyang pag-akyat sa gusali.

Sinabi rin ni Cutiyog na ang ginawang aktibidad ni Roberts ay ipinagbabawal dahil sa nakaatang na peligro hindi lamang sa climber kundi pati na rin sa mga taong nasa ibaba ng gusali.

“Kahit na sabihin natin na professional na climber, e kung walang kang supporter na gagamitin e pag nagkamali, mamamatay o tayo. So yung mga baguhan… bawal po ito, hindi puwede na gagawin po ito,” ani Cutiyog.

Sa panig naman ni Roberts, sinabi nito na malaki ang pinagkaiba ng pagtrato sa kanya kumpara noong una niyang inakyat ang kaparehong gusali noong taong 2019 dahil nitong huli ay mahigpit ang pagkakaposas sa kanya at marahas ang pagkakaaresto kahit pa hindi naman siya nanlaban sa mga pulis.

Idinahilan din ni Roberts na ang pag-akyat sa nabanggit na gusali ay kanyang pagpapakita bilang suporta sa Pilipinas ng pakikipaglaban sa mainit na isyu ngayon sa West Philippine Sea.

“Philippines is a sovereign country so the islands, they are Filipinos they are not belonging to anyone else. I did it to support the Philippines but it looks like the Philippines didn’t support me much, well people yes I’m sure. Lot of people they love what I’m doing, I am inspiring people,” ani pa Roberts. (James I. Catapusan)