Home HOME BANNER STORY Fuel price freeze kailangan pang pag-aralan – PBBM

Fuel price freeze kailangan pang pag-aralan – PBBM

142
0

MANILA, Philippines — Iginiit ng Malacañang na kailangan pang pag-aralang mabuti ang panawagan na magpatupad ng fuel price freeze, sa gitna ng apat na sunod-sunod na linggo ng matinding pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Ayon kay Communications Secretary Claire Castro, kailangang balansehin ang hakbang upang hindi maapektuhan ang mga oil companies na nakikipag-ugnayan sa pamahalaan.

“Dapat araling mabuti… babalansehin,” ani Castro.

“Hindi po maaaring kumilos tayo tapos may maaapektuhang sektor para lamang sa optics.”

Sa ilalim ng Executive Order No. 110, may kapangyarihan ang Pangulo at Department of Energy (DOE) na mangasiwa sa oil companies, kabilang ang pagpepresyo, sa panahon ng national energy emergency dulot ng problema sa suplay sa Gulf region.

Sa kabila nito, lumalakas ang panawagan para sa agarang hakbang upang mapababa ang presyo ng langis, kahit may umiiral nang fuel subsidies at cash aid para sa transport sector.

Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12316, na nagbibigay kapangyarihan sa kanya na suspindihin o bawasan ang excise tax sa langis. Gayunman, magiging epektibo lamang ito 15 araw matapos mailathala.

Nilinaw ng Malacañang na iginagalang ng Pangulo ang itinakdang effectivity ng batas ng Kongreso.

“Nasa wisdom po ito ng Kongreso at ito po ay ginagalang ng Pangulo,” ani Castro.

Dagdag pa niya, patuloy ang administrasyon sa paghahanap ng iba pang paraan ng ayuda habang hindi pa ganap na naipatutupad ang batas.

Sa ngayon, under review pa ang posibleng antas ng bawas sa oil taxes dahil pabago-bago ang presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Samantala, nagbabala ang ilang analyst na maaaring mawalan ang gobyerno ng daan-daang bilyong piso sa buwis kung tuluyang isususpinde ang excise tax.

Sa ilalim ng batas, maaari lamang itong ipatupad kung ang average na presyo ng Dubai crude oil ay aabot sa $80 kada bariles, at hanggang tatlong buwan lamang ang suspensyon.

Iminungkahi naman ng ilang oil industry players na alisin ang value-added tax (VAT) sa petroleum products upang agad na maramdaman ang pagbaba ng presyo sa pump.

Ngunit ayon sa Department of Finance, maaaring ipasa rin ng mga kumpanya ang epekto ng VAT adjustments sa presyo.

Sa gitna ng mga opsyon, nananatiling hinahanap ng pamahalaan ang pinakamainam na balanse upang mapagaan ang pasanin ng mga konsyumer nang hindi naaapektuhan ang sektor ng enerhiya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here