MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) nitong Lunes na makakatanggap ng fuel subsidy mula sa gobyerno ang mga karapat-dapat na magsasaka at mangingisda dahil sa inaasahang pagtaas ng presyo ng langis dulot ng hidwaan sa Israel at Iran.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., may inilaan na PHP150 milyon ang ahensya para sa tulong sa gasolina sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act, na hahatiin sa PHP75 milyon para sa sektor ng pagsasaka at pangingisda.
Lalabas ang subsidy kapag umabot na sa USD 80 kada bariles ang presyo ng langis, ayon kay DA spokesperson Arnel de Mesa.
Binanggit din ni Laurel na maaaring hindi agad maramdaman ang epekto ng hidwaan sa presyo ng pataba, ngunit posibleng maramdaman ito sa Oktubre hanggang Disyembre at sa susunod na cropping season.
Nauna nang tiniyak ng DA na matatag ang suplay ng pataba hanggang katapusan ng taon. Santi Celario