Home NATIONWIDE GAA ‘di mapipirmahan nang may blank sections – PBBM

GAA ‘di mapipirmahan nang may blank sections – PBBM

MANILA, Philippines – “He’s lying!”

Ito ang naging tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa ipinagkakalat ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte at supporters nito na di umano’y sinadya niya (Pangulong Marcos) na pirmahan ang national budget na may mga ‘blank section’.

“He’s a President. He knows that you cannot pass a GAA with a blank. He’s lying. And he’s lying because he knows perfectly well that that doesn’t ever happen,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang ambush interview matapos dumalo sa paglulunsad ng TESLA Center Philippines sa Tesla Center, Uptown Parade, Uptown Bonifacio, BGC Fort Bonifacio, Taguig City, araw ng Lunes, Enero 20.

Sinabi pa ng Pangulo na sa buong kasaysayan, buong kasaysayan ng Pilipinas, hindi aniya pinapayagan na magkaroon ng item ang GAA na hindi nakalagay kung ano ang proyekto, gastos at pondo.

“So, it’s a lie,” diing pahayag ng Chief Executive.

Binanggit din ng Pangulo na napanood niya sa balita at nakarating sa kanya ang mga sinasabi ng tao na 4,000 pahina ang 2025 national budget.

“Papaano namin bubusisiin yan. Para titingnan namin iisa-isa. Hindi na lang. Meron namang kopya, that’s available on the website of the DBM. Tingnan nyo, huwag na ninyo busisiin isa isa. Hanapin niyo yung sinasabi nila na blank check. Tignan nyo kung meron kahit isa. Para mapatunayan na tama ang sinasab kong kasinungalingan yan, That’s my reaction,” ang sinabi pa rin ni Pangulong Marcos.

Nauna rito, mariing kinondena ng Malakanyang ang “fake news” na kumakalat ngayon sa online hinggil sa 2025 national budget kung saan pinakakalat di umano ng mga supporters ni dating Digong Duterte na sinadya ni Pangulong Marcos na pirmahan ang national budget na may ‘blank sections’.

Pinalalabas di umano kasi ng grupo ni Duterte na ang “blank check” scheme ay para sa ‘future allocations.’

Sa isang kalatas, pinabulaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang maling paratang na ito ng grupo ni Duterte.

“The peddling of such fake news is outrightly malicious and should be condemned as criminal. No page of the 2025 National Budget was left unturned before the president signed it into law,”ayon kay Bersamin.

Ang 2025 budget, dumadangkal ng 4,057 pahina na may dalawang volumes ay sumailalim sa masusing pagrepaso ng Kongreso at Department of Budget and Management (DBM) professionals.

“This meticulous line-by-line scrutiny is a pre-enactment check performed by dedicated civil servants to ensure that the GAA contained no discrepancies in the amounts being appropriated,” ang sinabi ni Bersamin.

Nilinaw ni Bersamin na hindi nito tuwirang tinukoy si Digong Duterte subalit sa isang podcast video na naka-post sa YouTube account ni Davao City Mayor Sebastian Duterte, dating Pangulong Duterte at Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab, sinasabing may 13 pahina sa budget ang may kasamang ‘blank appropriations.’

Giit ni Bersamin na imposible na may ilang bahagi sa budget ang maiwang blangko.

Kaya nga, inimbitahan ni Bersamin ang publiko na repasuhin ang budget na available sa DBM website.

“The true facts and the printed figures appearing in the GAA [General Appropriations Act] easily debunk the malicious claims of deliberate blanks being left for filling in,” ang winika ni Bersamin.

“The former president and his cohorts should know better that the GAA should not contain blank items,” dagdag na pahayag ni Bersamin.

Hinikayat naman nito ang kampo ni Digong Duterte na “act responsibly” at tigilan na ang pagpapakalat ng kasinungalingan. Kris Jose