Home OPINION GAME OF THE GENERALS AT IBA PA

GAME OF THE GENERALS AT IBA PA

KUNG saan-saan na napupunta ang problemang nagsimula kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Nagulo ang buong bansa dahil kay Alice Guo at mula rito, lumitaw ang Game of the Generals, Game of the Senators, Game of the Banks-Financial Institutions at iba pa.

GAME OF THE GENERALS

May isang heneral mula sa militar na nagsabing may tsismis na isang Philippine National Police chief ang may payola sa mga Philippine Offshore Gaming Operators na konektado kay Guo.

Buwanan umano ang payola o padulas para maproteksyunan ang mga iligal na gawain sa mga POGO ni Guo.

Maaari rin umanong may PNP chief na tumulong kay Guo para sa pag-escapo nito mula sa Pinas patungong Malaysia, Singapore hanggang makarating ito sa Indonesia kung saan siya inaresto at pinabalik sa Pinas kaagad.

Dahil dito, kanya-kanyang reaksyon ngayon ang nabubuhay pang 24 na dati at kasalukuyang PNP chief.

Para sa incumbent PNP chief, mag-iimbestiga umano siya.

Pero ang isang dating PNP chief, itinutulak ang incumbent PNP chief na magsampa ng kaso laban sa ex-military general kung hindi nito mapatutunayan ang pinagsasabi nito sa Senado.

Ang iba, sinabing hindi dapat paniwalaan ang pinagsasabi ng military general dahil puro tsismis umano ito.

Anak ng tokwa, daig pa nila si Poncio Pilato na naghugas ng kamay sa kamatayan noon ni Kristo.

GAME OF THE SENATORS DIN

Dahil sa pinalutang ni military general na tsimis, nadamay na rin ang mga senador kaya may laro rin silang Game of the Senators.

Habang may senador na tila naniniwala kay military general at meron pang isang kinakabahan dito, may mga senador namang nagsabing hindi dapat bigyan ng anomang halaga ang balita ni military general dahil tsismis lang ito.

GAME OF THE BANKS AT FINANCIAL INSTITUTIONS

Nakaliligalig din, mga Bro, ang paglitaw ng mga daang milyon o bilyong pisong pumasok at lumabas sa mga bangko at iba pang financial institutions kaugnay sa pagtatayo at operasyon ng mga POGO at ni Guo.

Sa halip na iugnay o i-report ang mga ito sa Bangko Sentral ng Pilipinas, Anti-Money Laundering Council at iba pang concerned na awtoridad, naging tahimik lang ang mga bangko at financial institutions.

Ewan natin kung ipatatawag ang mga opisyal ng mga bangko sa Kongreso para maimbestigahan din.

PINAS, BABAGSAK SA BANGIN?

Ngayong naghalo-halo na ang mga totoo at tsismis na pinagkakabalahan at pinagkakagastusan ng buwis ng bayan ng mga awtoridad, saan kaya pupunta o pupulutin ang Pinas?

Ihalo mo pa rito ang mga siraan sa pulitika bilang pinakasandata ng mga politiko na pinakamabisang armas para matalo ang kani-kanilang mga kalaban, at korapsyon na rin, anak ng pitong putakte, hindi kaya tayo mahuhulog sa bangin?

Araykupo, mahabaging Bathala! Kaawaan mo kami!