MANILA, Philippines – Maaaring mag-report ang mga Pilipino ng isyu sa gasolinahan gamit ang eGovPH app, ayon sa Department of Energy (DOE).
Sa app, pindutin ang “Report” tab at piliin ang “Gas Station Concerns” para maghain ng reklamo tungkol sa panic buying, hoarding ng gasolina, hindi awtorisadong taas ng presyo, pagtanggi sa pagbenta ng fuel, hindi pagsunod sa tamang presyo, o kakulangan sa gasolina.
Maaaring maglagay ng detalye sa text box at mag-attach ng ebidensya tulad ng larawan, video, o resibo.
Makakatanggap ang nag-report ng ticket number para masubaybayan ang status ng kanilang reklamo sa app o sa pamamagitan ng text updates. Ipapasa ang mga report sa DOE at iba pang ahensya tulad ng DILG, LGUs, at PNP.
Ipinatupad ang hakbang kasabay ng pagtaas ng presyo ng langis ng P17–P24 kada litro, na tinawag ni Energy Secretary Sharon Garin bilang “pinakamalaking pagtaas” sa ngayon.
Naaprubahan na rin sa ikalawang pagbasa sa House of Representatives ang panukalang batas na magbibigay pahintulot kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise tax sa petroleum products. RNT