MANILA, Philippines- Patay ang isang mangangalakal ng basura o garbage collector matapos mahulog mula sa dump truck at magulungan ng trailer truck sa Road 10 sa Tondo, Manila.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa Barangay 105 kung saan umakyat ang biktima na si Michael Porcadilla upang maghanap ng mapakikinabangang kalakal sa nakaparadang dump truck.
Habang nakakapit ang biktima, bigla itong nakabitaw dahilan para mahulog at sakto namang may dumaang trailer truck dahilan upang magulungan ang biktima.
Ayon sa asawa ng biktima na si Ginang Josephine Martinez Porcadilla, nang magulungan ang biktima ay huminto ang trailer truck ngunit sa halip na babaan at tulungan ang biktima ay nagpatuloy pa rin ito sa pagmamaneho.
Kumpiyansa naman ang mga awtoridad na agad matutukoy ang driver ng trailer truck dahil nahagip ng CCTV sa Barangay 105 ang pangyayari. Jocelyn Tabangcura-Domenden