Home NATIONWIDE Garin nabahala sa nadiskubreng 1.2K kaso ng TB sa Tondo

Garin nabahala sa nadiskubreng 1.2K kaso ng TB sa Tondo

MANILA, Philippines – Nababahala si House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin sa lumabas na ulat kung saan nadiskubreng mayroong 1,200 indibidwal ang nadiagnose na may tuberculosis sa Tondo, Manila.

Noong Agosto, iniulat ng nonprofit Doctors Without Borders na 4.3 percent ng 29,291 residente sa Tondo, Manila ang napag-alaman na may tuberculosis, mas mataas sa 3 percent average ng TB positivity sa bansa.

“This is alarming. The government must take action against the increasing number of tuberculosis in the country,” saad sa pahayag ni Garin nitong Sabado, Disyembre 21.

Kasabay ng pagsasalaysay ng mga naging medical mission niya sa Iloilo, nakita ni Garin na talamak ang TB sa mga Pinoy.

Noong Marso, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na nagdudulot ng shortage ng anti-TB medicines ang logistical problems.

“Nakakabahala na kulang ang gamot para sa ganitong uri ng sakit. Tamang distribution at maaayos na sistema sa pagbibigay ng gamot ang kailangan upang matiyak na makakakuha ng sapat na gamot ang mga Pilipino,” giit ni Garin.

Sa datos ng World Health Organization, ang Pilipinas ang ikaapat na may pinakamataas na kaso ng TB sa buong mundo.

Mayroong 739,000 Filipino ang may sakit na ito, o 6.8 percent ng total cases sa buong mundo. RNT/JGC