Home NATIONWIDE Lider ng criminal gang sumuko sa Zamboanga del Sur

Lider ng criminal gang sumuko sa Zamboanga del Sur

MANILA, Philippines – Sumuko sa mga awtoridad ang umano’y criminal gang leader sa Barangay Pag-asa, Dumalinao, Zamboanga del Sur, nitong Biyernes ng gabi, Disyembre 20.

Ayon kay Colonel Restituto Pangusban, Zamboanga del Sur police director, kinilala ang lider ng notoryus na criminal gang sa Zamboanga Peninsula na si Anwar Ansang.

Siya ay kabilang sa Most Wanted Person’s list sa bansa na may patong sa ulo na P445,000.

Si Ansang ay may arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court Branch 29 sa San Miguel,
Zamboanga del Sur, noong Agosto 14, 2015, para sa multiple counts ng murder, murder with multiple frustrated murder, at attempted murder.

Ang Ansang criminal group ay sangkot sa kidnapping, drug trafficking, robbery, extortion, contract killing [gun-for-hire] at iba pang uri ng kriminalidad.

Dagdag pa, ang Ansang group ay nag-ooperate sa Pagadian City, Labangan, mga bayan sa 2nd district ng Zamboanga del Sur, at bahagi ng Zamboanga Sibugay.

Nang humina ang grupo, iniulat na nagtago si Ansang sa Maguindanao kung saan may mga kamag-anak ito.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Dumalinao police station si Ansang. RNT/JGC