Home METRO Rider tigok sa bangga ng taxi

Rider tigok sa bangga ng taxi

MANILA, Philippines – Patay ang isang 78-anyos na lalaki matapos na mabangga ng taxi ang minamaneho nitong motorsiklo sa ML Quezon national highway sa Saac II, Brgy. Buaya sa Lapu-Lapu City, nitong Biyernes, Disyembre 20.

Kinilala ang biktima na si Pedro Yusores, residente ng Soong II, Brgy. Mactan sa Lapu-Lapu City, na pakaliwa na sana nang banggain ng taxi bandang 1:30 ng hapon.

Samantala, kinilala ng pulisya ang drayber ng taxi na si Fernando Paypa, 51-anyos na residente ng Sudlon II sa Brgy. Lahug in Cebu City.

Sa imbestigasyon ng Traffic Enforcement Unit (TEU) ng Lapu-Lapu City Police Office (LCPO), ang taxi ay galing sa Mactan Cebu International Airport (MCIA) at bumibiyahe patungong Mactan Newtown.

Nang umabot sa lugar ng insidente, nabangga ng taxi ang motorsiklo na minamaneho ni Yusores.

Dahil sa tindi ng impact ay tumilapon si Yusores at tumama sa windshielf ng taxi bago nalaglag sa kalsada.

Tinamaan din ng isa pang motorista ang motorsiklo ni Yusores na minamaneho naman ni Neil Aldrictt Malingin.

Nalaglag din sa kalsada si Malingin at nagtamo ng pinsala sa katawan.

Dinala si Yusores sa ospital ngunit kalaunan ay namatay din.

Nasa custodial facility ng LCPO ang drayber ng taxi na si Paypa habang inihahanda ng pulisya ang ihahaing reklamo laban sa kanya. RNT/JGC