MANILA, Philippines – Nilinaw ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Sabado, Disyembre 21 na walang pinaalis na eroplano o barko ng Pilipinas mula sa Bajo de Masinloc, gaya ng sinasabi ng Chinese Coast Guard (CCG).
“The PCG vessels and BFAR aircraft conducted legitimate patrols in our waters at Bajo de Masinloc to ensure the safety and security of Filipino fishermen,” pahayag ni Commodore Jay Tarriela, PCG spokesperson for the West Philippine Sea.
Aniya, boluntaryong umalis sa lugar ang mga barko ng PCG at eroplano ng BFAR matapos na makumpleto ang misyon sa pagbibigay ng mga suplay sa mga mangingisdang Pinoy “rather than due to any expulsion by the Chinese Coast Guard.”
Sinabi ng China na pumasok umano ang eroplano ng Pilipinas sa tinatawag nilang Chinese airspace, kung saan lumipad umano ang Philippine C-208 aircraft sa Scarborough Shoal sa West Philippine Sea nitong Biyernes.
Bagamat ang Scarborough Shoal ay nasa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, naninindigan ang China na sa kanila ang lugar na ito. RNT/JGC