Home HOME BANNER STORY Gatchalian sa ERC: Dagdag-singil sa kuryente, ipatupad nang pautay-utay

Gatchalian sa ERC: Dagdag-singil sa kuryente, ipatupad nang pautay-utay

260
0

MANILA, Philippines – Hinimok ang Energy Regulatory Commission (ERC) na ipatupad ang staggered increase sa singil sa kuryente upang maiwasan ang “bill shock” ng mga konsyumer sa gitna ng patuloy na pagtaas ng generation costs na dulot ng tensyon sa pandaigdigang presyo ng langis.

Iminungkahi ito ni Senador Sherwin Gatchalian, na siyang chair ng Senate PROTECT Committee, sa pagdinig ng Senado noong Abril 29 kaugnay ng epekto ng sigalot sa Middle East sa ekonomiya ng bansa.

Nagbabala ang senador na posibleng patuloy pang tumaas ang singil sa kuryente sa mga susunod na buwan at iginiit na ang sabay-sabay na pagtaas ng kuryente, gasolina, at presyo ng bigas ay magdudulot ng “triple whammy” sa mga konsyumer, lalo na sa mahihirap.

“Our call to the ERC is not to synchronize the increase in electricity (charges) with the increase in petrol, the increase in rice (prices),” dagdag niya.

Ipinunto rin niya na noong panahon ng COVID-19 pandemic, ipinatupad na ang staggered payment scheme upang maiwasan ang biglaang pagtaas ng singil sa kuryente dahil sa naantalang pagbabasa ng metro.

“So, staggered payment is not new,” ani Gatchalian, at hinimok ang ERC na ipatupad muli ito sa kasalukuyang sitwasyon.

Binigyang-diin din niya na ang kuryente ay isang regulated utility na dapat maingat na pinamamahalaan sa gitna ng sabay-sabay na pagtaas ng presyo ng langis at pagkain. “I think that one peso is high,” aniya kaugnay ng umiiral na threshold ng ERC para sa pagrepaso ng generation charges.

Bilang tugon, sinabi ni ERC Chairperson at CEO Francis Saturnino Juan na rerepasuhin ng ahensya ang umiiral na advisory at pag-aaralan ang posibilidad na ibaba ang trigger para sa mandatory reporting at staggered implementation ng singil.

Samantala, iniulat ni Gatchalian na umabot na sa P41.6 bilyon ang nagastos ng pamahalaan sa loob ng 60 araw para maibsan ang epekto ng krisis sa Middle East sa sektor ng enerhiya at transportasyon.

Ayon sa senador, nananatiling pabago-bago ang pandaigdigang presyo ng langis dahil sa tensyon sa mga pangunahing ruta tulad ng Strait of Hormuz, kahit na pansamantalang bumaba ang presyo matapos ang ceasefire.

Nanawagan din siya ng mas malinaw na accounting ng mga benepisyaryo ng ayuda ng pamahalaan, kabilang ang mga tsuper ng public utility vehicles at iba pang sektor na apektado ng krisis. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here