MANILA, Philippines – Pinapabilis ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbibigay ng cash assistance para sa mga magsasaka sa Cagayan na apektado ng matagal na dry spell na nagdulot ng malawakang pinsala sa agrikultura.
Idineklara ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan ang state of calamity noong Abril 20 dahil sa matinding tagtuyot at patuloy na epekto ng energy emergency.
“Bilin po ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tutukan ang mga kababayan natin sa Cagayan Valley na lubhang apektado ng tag-init. Kaya agaran ding ipinag-utos ni Secretary Rex Gatchalian na makipagpulong sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan para alamin ang kinakailangan nilang tulong para maibsan ang epekto nitong dry spell sa ating mga magsasaka,” ayon kay DSWD Disaster Response Management Group Assistant Secretary at tagapagsalita Irene Dumlao noong Abril 29.
Ayon sa kanya, mahigit 15,000 corn farmers sa Isabela ang nakatanggap na ng tig-₱10,125 sa ilalim ng Emergency Cash Transfer (ECT) program ng DSWD, na nagbibigay ng unconditional cash assistance sa mga pamilyang apektado ng kalamidad para sa agarang pagbangon.
Ang ECT ay bahagi ng adaptive response strategy ng pamahalaan para sa mga komunidad na apektado ng sakuna.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), itinuturing na dry condition kapag dalawang magkasunod na buwan na mas mababa sa normal ang ulan, dry spell kung tatlong buwan itong magpapatuloy, at drought kung limang sunod-sunod na buwan ng kakulangan sa ulan, na may malalang epekto sa agrikultura at suplay ng tubig. Santi Celario