MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na simula ngayong Hulyo, pahihintulutan na ang paggamit ng debit cards, credit cards, at mobile wallets tulad ng GCash at PayMaya bilang paraan ng pagbabayad ng pamasahe sa mga tren gaya ng MRT at LRT.
Ang hakbang na ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas maginhawa at moderno ang pampublikong transportasyon sa bansa.
Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, magsisimula na ang pag-deploy ng cashless turnstiles para sa automatic fare collection (AFC) systems, na magpapahintulot sa mga pasahero na direktang i-tap ang kanilang card o mobile phone sa mga turnstile, sa halip na gumamit pa ng Beep card.
“Mga bandang July ito, if I’m not mistaken. I-implement na natin sa MRT at sa ibang mga tren natin. Alam ko pati credit card puwede na. Ita-tap mo na lang ‘yung phone mo. Hindi ka na kailangan bumili ng Beep card,” pahayag ni Dizon.
Layunin: Bawas Abala, Bawas Gastos
Layunin ng bagong sistema na bawasan ang haba ng pila at alisin ang abala sa pagbili o pag-reload ng Beep card, na siyang kasalukuyang ginagamit na stored-value smart card sa LRT at MRT.
Dagdag pa ni Dizon, ang pagsasakatuparan ng cashless payment options ay bahagi ng mas malawak na plano na open-loop payment system, kung saan maaaring magamit ang iba’t ibang financial platforms para sa mas seamless at inclusive na karanasan ng mga pasahero—kagaya ng mga nangungunang sistema sa ibang bansa.
“Nakikita na naman natin ito sa ibang bansa. So, iyon ang sabi ng ating Pangulo—gawin na rin natin ang mga modernong pasilidad dito para sa mga kababayan natin,” dagdag ni Dizon.
Kasabay nito, sinimulan na rin ang koordinasyon ng DOTr sa mga transport operators at financial service providers upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng bagong fare collection system.
Nakatakda ring isagawa ang pilot testing at public information campaign ngayong Hunyo bilang paghahanda sa pormal na rollout sa Hulyo.
Ang bagong sistema ay inaasahang magpapabilis sa daloy ng pasahero, magbibigay ng alternatibong payment options, at magdadala ng mas modernong karanasan sa pampublikong transportasyon sa bansa. Kris Jose