Home NATIONWIDE OFWs may libreng taunang medical check-up na

OFWs may libreng taunang medical check-up na

244
0

MANILA, Philippines – Makikinabang na sa libreng taunang medical check-up ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa pamamagitan ng AKSYON Fund ng Department of Migrant Workers (DMW), bilang bahagi ng programang naglalayong itaguyod ang karapatan sa kalusugan at kapakanan ng mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa.

Ito ay inanunsyo ni Migrant Workers Secretary Hans Cacdac sa isang Senate inquiry na tumalakay sa mga alleged irregularities sa pre-employment medical examinations at mga ulat ng abusive practices ng ilang accredited clinics.

Ang AKSYON Fund, o Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFWs na Nangangailangan, ay pangunahing financial assistance mechanism ng DMW para sa mga OFW na nangangailangan ng agarang tulong sa ibang bansa.

Ayon kay Cacdac, saklaw din ng direktibang ito ang routine health monitoring ng mga OFW habang sila ay naka-deploy at bago pa sila mai-repatriate pabalik ng Pilipinas. Dagdag pa niya, ito ay hakbang upang masiguro ang tuloy-tuloy na proteksyon sa kalusugan ng mga manggagawa sa buong yugto ng kanilang kontrata.

Nilinaw ng kalihim na mga Private Recruitment Agencies (PRAs) pa rin ang may pananagutan sa pagsasagawa ng pre-employment medical examination. Gayunpaman, may mandato ang DMW na imbestigahan at parusahan ang mga PRA at klinikang mapatutunayang sangkot sa maling gawain o pang-aabuso.

“Habang sinusunod ng mga shipowners ang mahigpit na international medical standards, dapat pa ring siyasatin ang anumang labis, hindi makatarungan, o mapang-abusong pagsusuri,” ayon kay Cacdac.

Inaasahang magsisilbing proteksiyon at suporta ang libreng check-up sa kalusugan ng mga OFW, lalo na sa gitna ng lumalawak na isyu sa health screening transparency at accountability ng ilang recruitment entities. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here