MANILA, Philippines – Tinatanggap na ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang GCash bilang alternatibong paraan ng pagbabayad para sa mga aplikasyon sa ilalim ng Minors Travelling Abroad (MTA) system at Harmonized Electronic License and Permit System (HELPS), sinabi ng isang opisyal nitong Biyernes.
“Dinagdag natin ang GCash para mas mapadali at mapalapit sa publiko ang pagbabayad ng fees para sa pagkuha ng travel clearance at certificate of exemption para sa mga bata na magbibiyahe abroad, at para rin sa application ng certificate of registration, license to operate, and accreditation (CRLA) ng mga social welfare and development agencies (SWDAs) na katuwang natin sa pangangalaga sa kapanan ng bulnerableng sektor” saad ni Director Megan Therese Manahan ng DSWD’s Standards Bureau (SB).
Sinabi ng opisyal ng DSWD na ang MTA system at HELPS ay bahagi ng digitalization push ng ahensya bilang suporta sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na i-automate ang hanggang 90 porsiyento ng mga transaksyon ng gobyerno para mapabuti ang paghahatid ng serbisyo publiko.
Sa pamamagitan ng MTA, nag-iisyu ang DSWD ng travel clearance sa mga Pilipinong menor de edad na bumibiyahe sa ibang bansa upang matiyak ang kanilang proteksyon laban sa trafficking, pagsasamantala, at iba pang uri ng pang-aabuso.
Ayon kay Manahan, maaaring piliin lamang ng mga aplikante ang “GCash” bilang kanilang opsyon sa pagbabayad sa huling pahina ng online application form para magamit ang serbisyo ng GCash.
Mananatiling available ang iba pang online payment options gaya ng Land Bank of the Philippines (LBP) at Maya.
Sinabi ni Manahan na pinapabilis ng HELPS ang pagproseso ng CRLA para sa mga SWDA, public solicitation permit, gayundin ang pag-iisyu ng certifications para sa duty-exempt importation (DEI) ng mga donated goods.
Ang MTA system at HELPS ay isinama din sa eGov platform, na ginagawang mas maginhawa ang mga online na application.
“Ang sabi nga namin sa DSWD, ‘don’t fall in line, go online’. These digital platforms allow parents and guardians, and SWDAs to conveniently submit applications and receive approved travel clearances and CLRAs entirely online, provided that all documentary requirements are complete and accurate,” saad ni Manahan. RNT/MND