Home OPINION SSS MAGPAPATUPAD NG 3 TAONG DAGDAG-PENSYON MULA SETYEMBRE 2025

SSS MAGPAPATUPAD NG 3 TAONG DAGDAG-PENSYON MULA SETYEMBRE 2025

170
0

ISANG magandang balita na tiyak na magpapangiti sa milyon-mil­yong senior citizen at benepisyaryo ng SSS o Social Security System, ang bagong SSS Pension Reform Program na ipatutupad na simula September 2025 kasabay ng selebrasyon ng 68th founding anniversary ng social insurer.

Nitong Huwebes, July 30, 2025, inanunsyo ng pamunuan ng SSS ang isang ma­kasaysayang reporma sa kanilang sistema ng pension, isang programang magdadala ng sunod-sunod na umento o dagdag sa buwanang pensyon ng kanilang mga miyembro sa loob ng tatlong taon, mula 2025 hanggang 2027. Ang programang ito ay tugon sa panawagan ng mga pensioner na mapataas ang kanilang natatanggap sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin o inflation.

Tandaan, magsisimula ito ngayong September 2025, ang susunod ay sa September 2026, at ang ikatlo ay sa September 2027, o bago magtapos ang termino ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr.
Lahat ng pensioners na rehistrado hanggang sa darating na August 31, 2025, ay awtomatikong magkakaroon ng dagdag na pension.

Para sa mga nagtatanong kung magkano ang madadagdag sa kanilang pensyon, heto po ang malinaw na detalye:

– Para sa retirement at disabi­lity pensioners, tatanggap ng 10 porsyento na dagdag-pensyon bawat taon.

– Death o survivor pensio­ners, makakakuha naman ng 5 porsyento na dagdag-pensyon bawat taon.

Ang repormang ito ay higit pa sa usapin ng pera. Isa itong pagkilala at pagpapahalaga sa mga manggagawang Filipino na buong buhay na nagtrabaho, naghulog sa SSS, at umaasang mararamdaman nila ang benepisyo ng kanilang kontribusyon.

Aabot sa mahigit 3.8 million na pensioners ang direktang ma­kikinabang, kung saan 2.6 million ang retirado at may kapansanan, at nasa 1.2 million ang mga survivor pensioner.

Marami pong nagtatanong – papaano ito mapopondohan? Magtataas ba ng kontribusyon ang SSS?
Ang sagot ay HINDI sabi ng pamunuan ng SSS.
Tiniyak ni SSS President at Chief Executive Officer Robert Joseph de Claro na hindi na kai­langang itaas ang kontribusyon ng mga miyembro. Sa halip, mas paiigtingin ang koleksyon ng kontribusyon at pagpapalawak ng mi­yembro ng SSS ang gagamitin para mapanatili ang pondo.

Bilang pensioner o miyembro ng SSS, narito po ang ilang mahahalagang paalala:
– Walang kailangang gawin upang makuha ang dagdag-pensyon, ito ay awtomatikong ipapatupad.
– Siguraduhing tama at aktibo ang inyong records sa SSS.

Sa mga panahong kailangan natin ng kasiguruhan, mahalaga na may tiwala tayo sa mga institusyong kagaya ng SSS.

At bilang inyong Agarang Serbisyo Lady, tungkulin ko pong iparating sa inyo ang mga ma­kabuluhang reporma na tunay na nakaaapekto sa ating pang-araw-araw na buhay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here