MANILA, Philippines- Binuksan ng popular na e-wallet brand GCash ang small loan product na naglalayong protektahan ang populasyon na mangutang sa mga hindi katiwa-tiwalang lender.
Sinabi ni GCash chief marketing officer Neil Trinidad nitong Miyerkules na sinusubukan ng kompanya ang Sakto Loan product, kung saan maaaring makahiram ang users ng hindi bababa sa P100 hanggang P1,000. Kasado ito bago matapos ang taon.
“All of our loans are accessible and fair,” sabi ni Trinidad. “If you are borrowing from informal lenders, it is often predatory. The interest rates are very very high.”
Para sa Sakto Loan product, sinabi ni Fuse Lending president at CEO Tony Isidro na walang kokolektahing interest fee. Subalit, mayroong processing fee na 7 porsyento na babayatan ng customer.
Ang Fuse Lending ay ang loan arm ng GCash.
Inihayag ni Trinidad na nilalayon nilang tugunan ang pangangailangan ng “underserved market” upang hindi na sila dumulog sa informal lending. Ani Isidro, hindi kailangang magpresenta ng collateral ng borrowers. Wala rin umanong kinakailangang dokumento dahil sinusuri ang aplikasyon base sa paggamit ng user sa GCash app.
Umaasa si Isidro na mas mapapalawig ng GCash ang financing bago matapos ang taon, partikular sa holiday season. RNT/SA