MAY bagong hepe ang Criminal Investigation and Detection Group sa katauhan ni PBGen. Nicolas Torre lll bilang ‘Acting Director’ simula Setyembre 25.
Masalimuot, subali’t nagawang matagumpay ang trabaho’t assignment sa Mindanao kaya karapat- dapat lang na mabigyan ng magandang pwesto si Torre.
Alam naman ng sambayanan kung anong hirap ang ginawa at sinapit ng heneral mapasa-kamay lang ng gobyerno ang puganteng si Pastor Apollo Quiboloy.
Sa pagkakatalaga bilang director ng Police Regional Office 11, sabi ko noon sa aking kolum – dalawa ang kahihinatnan ng police career ni Torre, kundi parusa ay gantimpala.
Tulad ng naunang mga police official na itinalaga sa rehiyon para hulihin si Quiboloy pero ‘di nagtagumpay kaya sila’y itinapon, bumagsak sa kangkongan.
Ganyan din ang maaring sinapit ni Torre kundi napagtagumpayan ang misyon sa lugar na pinaghaharian ng kilala at maimpluwensyang mga nilalang.
Hindi man sinasabi ng Philippine National Police na reward kay Torre ang pagkaka-appoint sa CIDG, ito ay malinaw na gamtimpala para sa dating hepe ng Quezon City Police District.
Si Torre ay pinalitan ni PBGen. Leon Victor Rosete bilang PRO11 director at si PMGen. Leo Francisco na na-reassigned sa Personnel Holding and Accounting Unit sa Camp Crame.
Ang CIDG ay isang ‘juicy’ position sa PNP na pinapangarap maging assignment ng bawat police heneral pero ika nga marami ang kuwalipikado pero masuwerte yaong mga napipili.
Dahil sa tagumpay sa Davao, tila baga mukha o ‘Poster Boy’ ngayon ng PNP si Torre kaya nasungkit ang premiere investigating and operating unit ng pambansang pulisya.
Weder weder lang ang buhay. Si Torre ay OCPD’s shining armor hanggang magdesisyon na magbitiw dahil sa ‘di inaasahang pangyayari na dumating sa kanyang pamunuan.
Unpredictable ang buhay pulis. Miyembro ng PNP Academy tagapaglunsad Class ’93, si Torre ay halos dalawang taon pa sa serbisyo kaya marami pang susuunging pagsubok.
Hindi natin alam, baka ang CIDG stint ang magdadala sa kanya para marating ang pinapantasya ng mga heneral na pinakamataas na pwesto sa police organization.