Home OPINION GRAFT, ADMIN CHARGES VS. BCDA, CDC, AT DENR OFFICIALS AKSYUNAN

GRAFT, ADMIN CHARGES VS. BCDA, CDC, AT DENR OFFICIALS AKSYUNAN

Ano na kaya ang nangyari sa isinampa ng Metro Clark Waste Management Corporation (Metro Clark) na graft at administrative charges sa Office of the Ombudsman laban sa mga opisyal ng Bases Conversion and Development Authority, Clark Development Corporation, at Department of Environment and Natural Resources?

Dapat umuusad na ito, ha? Kahit man lang sana mapatawan ng preventive suspension ang mga nasabing BCDA, CDC, at DENR officials. Ito’y para hindi na rin nila maimpluwensyahan ang mga kaso.

Ang Metro Clark ay ang operator ng Kalangitan Sanitary Landfill sa Capas, Tarlac na bigla na lang ipinapasara ng BCDA.

Ang mga opisyal na inireklamo ng paglabag sa Section 3 (a) at (e) ng Republic Act (RA) No. 3019 o ang “Anti-Graft and Corrupt Practices Act” ay sina ex-BCDA chairman Delfin Lorenzana, BCDA President and CEO Joshua Bingcang, BCDA Officer-in-Charge Gizela Kalalo, CDC President and CEO Agnes VST Devanadera, at DENR Director Jacqueline Caancan.

May administrative case din laban kina Lorenzana, Bingcang, Devanadera, Kalalo, at Caancan dahil naman sa paglabag sa Section 4 (a), (b), at (c) ng RA 6713 o ang “Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.”

Base sa impormasyon, nag-ugat ang mga kaso dahil sa naging hakbang nina Lorenzana, Bingcang, Devanadera, at Kalalo na putulin sa darating na Oktubre ang 50-year lease ng Metro Clark (kahit sa Year 2049 pa ang expiration ng kontrata) para sa 100 ektaryang lupang kinalalagyan ng landfill pabor sa mahigit 10 waste management companies na makuha ang serbisyo sa basura ng lampas 30 LGUs mula sa 150 LGU-clients ng Metro Clark. At si Caancan naman ang namili at nagrekomenda ng waste management companies sa apektadong LGUs nang walang public bidding kaya naagrabyado rito ang Metro Clark at pati na ang gobyerno.

Sa tingin natin, may matitibay na tuntungan ang Metro Clark sa kanilang mga reklamo laban sa BCDA, CDC, at DENR. Maging si Senator Raffy Tulfo ay nag-privilege speech tungkol sa isyu. Hindi na rin siya nakatiis.

Ayon kay Tulfo, posibleng bumalik ang Central at Northern Luzon LGUs sa paggamit ng illegal dump sites at magpaagos na lang ng maruming tubig sa mga ilog na makapagpapalala sa mga pagbaha sakaling maipasara ang Kalangitan sa susunod na buwan.

Inupakan pa ni Tulfo sa kanyang privilege speech ang BCDA, CDC, at DENR dahil hindi nakakatulong ang mga ito sa disaster prevention na isinusulong ni Pangulong Bongbong Marcos para maprotektahan ang buhay at ari-arian ng mga Pilipino.

Ngayon, Ombudsman, ano na ang gagawin n’yo rito?