Home OPINION GENERIC MEDICINES KASING EPEKTIBO NG MGA BRANDED DRUG, MAG-INGAT SA PEKENG GAMOT...

GENERIC MEDICINES KASING EPEKTIBO NG MGA BRANDED DRUG, MAG-INGAT SA PEKENG GAMOT – DOH

MULING ipinaalala ng Department of Health (DOH) at Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care (PITAHC) na kasing epektibo ng branded drugs ang generic me­dicines, pero kinakailangang mag-ingat sa mga pekeng gamot na naglipana sa merkado.

Ginawa ang paalala sa obserbasyon ng September bilang Generics Awareness Month alinsunod sa probisyon ng Republic Act No. 6675 o ang Generics Act of 1988.

Binigyang diin ng DOH at PITAHC na dapat ay sa lehitimong parmasya lamang bumili ng gamot at hindi sa tabi-tabi dahil malamang na ito ay peke. Mayroon kasing tamang pamamaraang sinusunod sa pagtatabi ng mga gamot.

Sa mahigit tatlong dekada, napatunayan na ng publiko na cost effective at may kalidad ang generics medicines katulad din ng mga may pangalang gamot, ang pagkakaiba ay sa presyo.

Dumaan sa mabusising regulatory processes ang mga generic  katulad din ng sa mga branded, at maging sa pagsusuri ng mga kilalang institusyon katulad ng University of the Philippines at Ateneo de Manila University.

Natutuwa ang PITAHC na pito sa bawat sampung Filipino ay naniniwala na epektibo ang generic medicines at abot-kaya pa ang halaga.

Para higit pa mapangalagaan ang pampublikong kalusugan at maipatupad ng mahigpit ang mga pamantayang regulasyon, binuo ng Food and Drug Administration (FDA) ang Task Force Obsidian, isa itong Technical Working Group (TWG) para pa­lakasin ang regulasyon ng ahensya kaugnay sa mga medikal na kagamitan.

Ayon sa probisyon ng Republic Act No. 9711, layunin ng Task Force Obsidian na paigtingin ang kakayahan ng ahensya sa administratibo at teknikal na aspeto sa regulasyon ng mga produktong pangkalusugan at mga establisimyento na nasa ilalim ng kanilang nasasakupan.

Inatasan ang Task Force Obsidian na bumuo ng malinaw at komprehensibong mga polisiya at gabay para sa tamang klasipikasyon ng mga medikal na kagamitang isinusumite para sa pag-apruba ng FDA. Ang inisyatibang ito ay naglalayong masiguro na lahat ng kagamitan ay lubos at tumpak na makikilala batay sa kanilang panganib, gamit, at kaligtasan, sa gayon ay mapalalakas ang integridad ng regulasyon ng FDA.

Ang hakbang ay patunay sa pagsisikap ng FDA na itaas ang antas ng regulasyon sa mga produktong pangkalusugan, habang patuloy na itinataguyod ang mataas na pamantayan para sa pagsunod at pampublikong kaligtasan. Inaasahan na gaganap ng mahalagang papel ang Task Force Obsidian sa pagpapalakas ng kapangyarihan ng regulasyon ng ahensya at sa pagtatakda ng mga bagong pamantayan sa industriya.