PANIBAGONG rigodon ang naganap sa Philippine National Police sa ilalim ng pamumuno ni PGen Rommel Francisco Marbil at ito ay dahil sa may ilang mga nagretiro dahil umabot na sa edad na 56 habang ang iba naman ay dahil sa hinila ng pulitika.
Isa sa mga nakatanggap ng magandang kaganapan sa rigodon si PBGen Redrico Maranan, miyembro ng Philippine National Police Academy class 1995, dating district director ng Quezon City Police district.
Simula Oktubre 1, si Maranan ay matatalagang regional director ng Police Regional Office 3 o Central Luzon kapalit ni PBGen Jose Hidalgo Jr., nagsilbing RD ng PRO 3 sa loob ng mahigit isa’t kalahating taon.
Si Maranan, hepe ng PNP-Public Information Office noong 2023, ay nagsilbi sa QCPD sa loob ng isang taon. Tumatayong acting director ng QCPD ngayon si PCol. Melencio Buslig Jr., miyembro ng PNPA Class 96 o Kaagapay.
Congrats Gen. Red Maranan. Good luck to your new endeavor being a good official and with a bright future ahead.
Kabilang sa may magandang balita este pwesto na nakuha ay itong si PBGen Bernard Yang na itinalagang district director ng Southern Police District kapalit ni PBGen Leon Victor Rosete, miyembro ng PNP Class 95, na ngayon ay nakatalagang regional director ng PRO 11 or Davao Region.
Si PBGen Victor Arevalo, miyembro ng PNPA Class 94 at dating hepe ng Center for Police Strategy Management, ay itinalagang director ng PNP Training Service. Congrats Sir Balong!
Siyempre, hindi makalilimutan ng inyong Pakurot na batiin si PBGen Nicolas Torre III na mula sa PRO 11 ay natalaga bilang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group.
Malamang sa pag-upo ni Torre sa CIDG, mawawalis na ang ilang mga iligal na gawain na pinagkukunan naman ng iligal na kita ng ilang mga tiwaling pulis na nagbibigay proteksyon sa mga iligal na gawain sa ilang lugar sa bansa.
Karapat-dapat lang namang mabigyang “reward” o pabuya si Torre dahil sa napagtagumpayan niya ang ‘task’ na ibinigay sa kanya bagaman hindi sinasarili nito ang tagumpay.
Noon pa man, bilib na ang marami sa ugali ni Torre. Ito ay isang pulis na may dangal at pagpapahalaga sa sarili. Hindi nasisilaw sa pera o kapangyarihan.