Home METRO Gibo na tubong-Tarlac, ‘di rin kilala si Mayor Guo

Gibo na tubong-Tarlac, ‘di rin kilala si Mayor Guo

MANILA, Philippines – SINABI ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., tubong-Tarlac na hindi niya kilala si Bamban Mayor Alice Guo.

Ang Bamban ay second-class town sa lalawigan ng Tarlac.

“Hindi ko kilala [ang family]. Wala akong kakilalang ganyan. Nagulat lang ako na may ganyan. Nakalulungkot na sa lalawigan ko pa nangyari. Kaya ang katanungan ng marami kong kababayan sa probinsya, paano nangyayari ito sa lalawigan?” ang sinabi ni Teodoro sa mga mamamahayag sa sidelines ng awarding ceremony para sa outstanding cadets sa Philippine Military Academy sa Baguio City.

Si Teodoro ay nagsilbi bilang three-term congressman, naging kinatawan ng 1st District ng Tarlac, mula 1998 hanggang 2007.

Sa mga nakalipas na araw, kinuwestiyon ang pagkakakilanlan ni Guo sa gitna ng Senate inquiry na di umano’y nag-uugnay sa kanya sa mga kompanya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Baofu Compound, sa likod lang ng Bamban town hall.

Sinalakay ang mga ito ng mga law enforcers noong Pebrero 2023 at Marso 2024 may kaugnayan sa alegasyon ng human trafficking at serious human illegal detention.

Ang hinala ni Teodoro ay mayroong iba pang personalidad ang nasa likod ng ilegal na aktibidad sa naturang bayan.

“May accountability dapat ang LGU hanggang sa taas dito, dahil imposibleng si Mayor Guo lamang ang may kinalaman dito. Pati ang mga dating PNP. Paanong lumusot ito sa kanila? Ang gawain dito, hindi POGO ha, scam. Human trafficking, may mga chamber na hindi kanais-nais sa ilalim ng lupa. Nakakabahala ito,” aniya pa rin.

“Hindi ko masasabi [na may higher government officials involved] pero for me, a thorough investigation must be made kasi imposibleng tumakbo ito na walang pahintulot or pagkukunsinti ng kung sino man, maging local and provincial level, and the PNP before, and the national. Bakit kailangan ang PAOCC ang mag-operate dito? Kailangan kusa na nilang niregulate ito,” ang sinabi pa rin ng Kalihim.

Dahil dito, may mga ‘concerned government agencies’ ang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa pagkakakilanlan ni Guo.

“Nasabi na ng presidente na kailangang imbestigahan si Mayor Alice Guo kung ano ang tunay na kanyang pagkatao. Pinag-iigting ng PAOCC na imbestigahan ang maraming klase ng pekeng Pilipino… For me, it is a question of governance na kailangan magkaroon ng tugon ang mga kinauukulan. Ito ay matinding iniimbestgahan ng PAOCC at ng Solicitor General ngayon,” ani Teodoro.

“Tulad din ng pag-iimbestiga ng lahat ng gobyerno sa illegal activities ng Chinese nationals at mga subersibong elemento nila, pati na ang fake news na kinakalat nila sa kanilang mga paid outlets na aming, in a whole of government approach, masusing pinag-aaralan dahil ito ay matinding katotohanan na dapat nating bantayan,” dagdag na wika nito.

At nang tanungin si Teodoro kung naniniwala siyang maaarng “Chinese asset”si Guo, ang naging tugon nito ay “Que Chinese agent, que hindi, ibang usapan ‘yon. Ang usapan may kinalaman siya sa illegal na gawain sa kanyang bakuran, at ang illegal na gawain ay naninira ng fabric ng ating lipunan. Pag ganun, mas madali tayong itulak-tulak ng mga Chinese. Hindi ito mga klase ng establisimyento na ganito ang gusto ng kahit sinumang probinsya.” Kris Jose