STA MARCELA, APAYAO-Pinaglalamayan na sa ngayon ang isang ginang matapos itong tagain at mapatay ng kanyang nakakatandang kapatid na lalaki sa Brgy. San Carlos, Sta Marcela, Apayao.
Sa ipinarating na ni PCapt. Ginabel Dao-inon, hepe ng Sta Marcela Police Station kay PCol. Jefferson Cariaga, Provincial Director ng Apayao Police Provincial Office o APPO dakong 11:45 ng umaga kung saan habang nag-iinuman ang 55-anyos na suspek na pansamantala itinago sa pangalan Cris, kasama ang tatlong iba pa sa bahay ng 47-anyos na biktima na itinago sa pangalan Lea ay nagkaroon sila ng pagtatalo matapos payuhan ng suspek ang kanyang pamangkin.
Hindi umano nagustuhan ng biktima ang ginawang pagpapayo ng kanyang nakakatandang kapatid sa kanyang anak.
Sa kalagitnaan ng kanilang pagtatalo ay hinamon umano ng biktima ang kanyang kuya na tagain at patayin siya kung saan bigla na lamang kumuha ng tabas o jungle bolo ang suspek at saka pinagtataga ang biktima.
Nagtamo ang biktima ng dalawang taga sa bahagi ng kanyang kilikili at isa sa likod na nagresulta ng kanyang agarang pagkamatay.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang itak na ginamit sa pananaga habang naaresto ng mga rumespondeng pulis ang suspek na nahaharap sa kasong homicide. Rey Velasco