MULING nagpamalas ng husay si Kheith Rhynne Cruz matapos mag-uwi ng dalawang medalya, kabilang ang gintong medalya sa U19 mixed doubles ng World Table Tennis Youth Contender New York 2025.
Kasama si Aditya Sareen ng Australia, tinalo nina Cruz ang Indian pair na sina Sudhanshu Maini at Prisha Goel sa iskor na 11-9, 11-7, 9-11, 11-7 upang tanghaling kampeon sa mixed doubles.
Bukod sa tagumpay sa doubles, pumangalawa rin si Cruz sa U19 women’s singles kung saan natalo siya sa finals kontra Misuzu Takeya ng Japan, 11-4, 11-13, 11-9, 12-10.
Bago ang finals, winalis ni Cruz ang group stage at tinalo ang mga manlalaro mula Puerto Rico at United States, kabilang ang matitinding laban sa quarterfinals at semifinals.
Dahil sa kanyang mga panalo, umangat si Cruz sa ika-17 pwesto sa youth world rankings — pinakamataas na narating ng isang Pilipino sa kasaysayan ng table tennis.
Pinuri naman ni Table Tennis Federation president Ting Ledesma si Cruz sa kanyang narating. GP