BULACAN – Isang bangkay ng babaeng masahista na umanoy tumanggi magbigay ng “extra service” sa kanyang parokyano ang nadiskubre ng mga caretaker sa isang farm sa Norzagaray.
Sa report ng Norzagaray Police Station, nadiskubre ng mga caretaker ang bangkay bandang 7:30 ng umaga noong Hunyo 27 sa isang farm sakop ng Kaypiskal road, Brgy.Tigbe.
Ayon sa pulisya, itinawag sa kanila ng mga caretaker ang naturang impormasyon kaya agad silang tumulak sa lugar upang malaman ang katotohanan.
Nang makarating sa lugar ay tumambad sa kanila ang bangkay ng hindi kilalang babaeng nakasuot ng black shirt na bahagyang nakalibing sa likurang bahagi ng farm.
Sa impormasyong nakalap, nagsagawa ng follow up operation ang pulisya hanggang sa matunton at nahuli kalaunan ang suspek na si alyas “Tano” sa Lemery, Batangas.
Ayon sa impormasyon, pinapunta ng suspek ang biktima sa kubo ng farm para magpamasahe subalit kulang ang ibinayad nito at hindi ito pumayag makipag-niig na naging mitsa ng kanilang pagtatalo.
Dahil dito, sinampal siya ng biktima kaya pinalo niya ng bato, hinataw din ng bareta sa ulo, pinagsasak at inilibing ito sa kalapit na kubo, base na rin sa impormasyon.
Nadiskubre lamang ang insidente nang makita ng mga caretaker ang kakaibang nakaumbok na lupa na kanilang nakatuwaang hukayin hanggang sa bumulaga sa kanila ang bangkay ng babae.
Narekober ng mga awtoridad ang pala na ginamit sa paghukay at cellphone ng biktima sa suspek na nahaharap sa kasong murder habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya.(Dick Mirasol III)