Home HOME BANNER STORY Giyera sumiklab na sa pagitan ng Houthi at US, UK at iba...

Giyera sumiklab na sa pagitan ng Houthi at US, UK at iba pa

(Larawan mula sa UK Ministry of Defence via Sipa USA)

YEMEN – Sumiklab na ang giyera sa pagitan ng mga Houthi at US, UK at iba pang pwersa sa Red Sea at karagatang sakop ng Yemen.

Nauna rito, pinagbobomba at pinagmi-missile ng mga pwersang US at UK ang ilang pwesto-militar ng mga Houthi sa Yemen para paralisahin ang huli sa paglulunsad ng mga pag-atake sa mga sibilyang barko at mga barkong pandigma na pumuprotekta sa mga ito sa Red Sea.

Kaugnay nito, gumaganti naman kaagad ang mga Houthi laban sa mga US at UK sa mga oras na ito, ayon kay Abdul Salam Jahaf, senior member ng mga Houthi, at nagpakawala ng mga missile at drone laban sa mga barko ng huli.

Sinabing magbabayad ng mahal ang US at UK sa mga pag-atake nito ilang oras lang ang nakaraan sa araw na ito sa Yemen.

Mismong ang mga Houthi ang nagsabing tinarget ng US at British ang Al-Dailami Air Base sa parteng norte ng Yemeni capital na Sanaa, paligid ng Hodeidah International Airport sa kanlurang Yemen, Kahlan camp sa Saada, nasa norte Yemeni province pangunahing base ng mga Houthi, Taiz International Airport, ilang bahagi ng Taiz Governorate in timog-kanlurang Yemen at paliparang suporta sa bayan ng Abs sa hilagang-kanlurang Yemen.

Ginamit ang mga submarino, barko at eroplano ng mga Amerikano at British sa pag-atake sa mga pwesto ng Houthi na roon matatagpuan ang mga drone, sea drone, cruise missile, coastal radar at air surveillance.

Ginawa ang pag-atake makaraang magpakawala ng maraming drone at missile laban sa mga barkong pandigma at sibilyang barko sa Red Sea ilang araw lamang ang nakararaan.

Hindi naman sinabi ng mga Houthi kung titigil na sila sa pag-atake sa mga barkong sibilyan at military sa Red Sea at kung gaano katindi ang pinsalang tinamo nila.

Sa kasalukuyan, guwardiyado ng 10 bansa, kasama ang US at Britain ang Red Sea sa ilalim ng Operation Prosperity Guardian na sinusuportahan din ng iba pang mga bansa.

Dahil sa pag-atake ng mga Houthi, tumigil na sa pagbiyahe sa Red Sea, lalo na sa karagatang sakop ng Yemen, ang Bab al-Mandab Strait, ng pinakamalalaking kompanya ng barko sa mundo gaya ng Mediterranean Shipping Company, Evergreen, Hapag Lloyd, Maersk Line at CMA GMA habang bumibiyahe pa rin ang maliliit na iba. Fred Cabalbag

Previous articleSanib-pwersang pagboto ng Senado, Kamara sa Cha-cha target ng PIRMA
Next articleBuwanang payout ng financial aid fake news – DSWD