NEWS flash – dapat ay ibitin ng patiwarik ang mga nagngangalang “Biscocho” at “Balay” na nagne-‘name- drop’ ng government officials sa kanilang “tong” activities.
Isa sa ginagamit ng mga damuho sa pananakot sa mga iligalista sa Region 4A para makapangotong ay si National Bureau of Investigation director Jaime Santiago.
Bukod sa tinaguriang Manila’s Finest sharp shooter ay kaladkad din nina Biscocho at Balay ay si Philippine National Police chief PGen Rommel Francisco Marbil at iba pang police officials.
Nasisira sina Dir. Santiago at Gen. Marbil dahil sa dalawang tong collectors na ito bagay na ‘di dapat ipagwalang bahala ng dalawang magigiting na government official.
***
Speaking of NBI, nakami-miss, ang sarap alalahanin at balik-balikan ang nakaraan – ang ‘good old days’ ng ating pagko- cover sa ahensyang ito ng pamahalaan.
Ito yaong panahon ni Jesus Carpio, Gen. Alfredo Lim hanggang kay Epimaco Velasco na aktibong aktibo’t padamihan ng accomplishments ang mga ahente.
Kaya naman noon, walang araw na ‘di laman ng balita sa telebisyon, radio at dyaryo ang nalulutas na sensational cases at nabubuwag na sindikato ng mga NBI agent.
Kung ngayo’y wala na at kung mayroon man ay madalang na, noon ay madalas ang shootout, nakikipag-engkuwentro ang NBI operatives sa mga lider at miyembro organized syndicate.
Ang 80’s at 90’s ay dekadang maituturing na ‘Glory Days’ ng premiere investigating body ng bansa dahil sa panahon na ito, ang mandato ay ramdam ng lipunan.
Ngayon, wala nang ipinagkaiba ang NBI sa pulisya na nasasangkot, hindi lang sa criminal activities kundi pumapatong na rin sa gambling, paihi at iba pang iligal ang mga opisyal at mga ahente.
Pero naniniwala ng Chokepoint na sa pagkakatalaga ng ex-Manila Police official at Regional Trial Court judge turned NBI chief ay magkakaroon ng pagbabago sa ahensya.
Walisin mo director ang mga ahenteng pasaway, ganoon din ang mga sumisira’t yumuyurak sa iyong pangalan tulad nina Biscocho at Balay. Abangan!






