Sa pagdinig ng Senate committee on finance, nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go na dagdagan ang panukalang 2024 budget ng Department of Health upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng isinabatas na Regional Specialty Centers Act, pagtatayo ng mas maraming Super Health Centers at patuloy na operasyon ng Malasakit Centers sa buong bansa.
Binigyang-diin ni Go na napakahalaga ng Republic Act No. 11959 o Regional Specialty Centers Act na pangunahin niyang inisponsoran at isa sa mga may-akda.
Ang nasabing batas na umani ng 24-0 boto sa Senado ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. noong Agosto 24.
“Masaya po ako na priority din ito ni Pangulong Bongbong Marcos,” aniya.
“Lahat ay sumuporta dito dahil na-explain natin nang mabuti na makakatulong talaga ito sa mga kababayan nating mahihirap,” anang senador.
Layon ng batas na i-desentralisa ang mga espesyal na serbisyong medikal at madaling ma-access sa lahat ng rehiyon.
“Nabanggit ko parati na tulad yung mga taga-Zamboanga ay pwede na po sila… may paglalagyan na doon ng Heart Center,” sabi ng senador na batid ang hirap na dinaranas lalo ng mga nasa remote areas sa paghahanap ng specialized healthcare sa Manila.
“Alam naman natin napakahirap pong pumunta dito sa Maynila. Wala silang pamasahe — ‘yung mga pasyente,” ani Go.
Sa kabilang banda, patuloy na itinataguyod ni Go ang pagtatayo pa ng maraming Super Health Center na idinisenyo upang tumugon sa pangunahing pangangalaga sa kalusugan, konsultasyon, at maagang pagtuklas ng mga sakit lalo na sa grassroorts communities.
Ang mga libreng konsultasyon ay hahawakan ng mga municipal health office, local government units, at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pamamagitan ng Konsulta program nito.
“Ito pong Super Health Centers makaka-complement po ito sa programa ng PhilHealth, sa Konsulta package ninyo,” ani Go.
Binigyang-diin din ni Go ang mahalagang papel ng Malasakit Centers sa pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga mahihirap na pasyente sa buong bansa.
“Marami sa mga mahihirap nating kababayan ang umaasa po sa tulong ng gobyerno kapag sila ay na-oospital,” sabi ng mambabatas.
Pinagsama-sama ang mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development, DOH, PhilHealth, at Philippine Charity Sweepstakes Office, ang Malasakit Center ay isang one-stop shop na tumutulong sa mahihirap na pasyente sa gastos sa ospital sa pinakamababang posibleng halaga.
Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng RA 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers program. Sa ngayon, 159 Malasakit Centers na ang operational sa buong bansa. RNT