MANILA, Philippines – Sinabi ni Senator Bong Go nitong Lunes na hindi haharangin ng mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Senado ang pag-convene bilang impeachment court sakaling matanggap na ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte mula sa House of Representatives.
Giit ni Go, bahagi ito ng konstitusyonal na mandato ng Senado at walang umiiral na usapan sa pagitan ng mga Duterte allies na harangin ang proseso.
“Wala pong ganoong usapan at hindi po kami nag-uusap na maghaharang po ng convening,” ani Go sa mga mamamahayag.
Dagdag niya, “It’s our mandate and obligation because that is part of our role under the constitution.”
“Meron tayong mandato na dapat sundin kung umabot dito. Kailangan naming gampanan ang aming trabaho bilang senator-judge and to be impartial at lumabas yung katotohanan,” dagdag pa niya.
Inaasahan namang botohan ng House of Representatives ang committee report ng House Committee on Justice na nagkasa ng probable cause para ma-impeach si Duterte dahil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds at iba pang paratang. Kailangan ng hindi bababa sa isang-katlo o 106 sa 318 miyembro ng Kamara para ma-impeach siya.
Una rito, sinabi ni Senator Robinhood Padilla na maaaring tutulan ng minority bloc ang pag-convene ng impeachment court, ngunit itinanggi ito nina Senators Jinggoy Estrada at Imee Marcos.
Sa sumunod na pahayag, tila umatras si Padilla sa naunang sinabi at iginiit na walang senador ang maaaring tumutol sa ilalim ng Konstitusyon.
“Anong isyu? Walang isyu sa amin na minority. Hindi namin pwede baluktutin o baliin ang Saligang Batas!”
Dagdag niya, “Maari kaming magsagawa ng mga pamamaraan katulad ng talumpati laban sa impeachment hanggat hindi pa kami natitipon bilang mga hukom! At para sabihin na papalitan namin ang liderato ng Senado para pigilin ang impeachment court, hindi po mangyayari yun. Walang ganon sa Saligang Batas.” RNT