MANILA, Philippines – Balanse ang pagtugon ng gobyerno sa pangangailangan ng mga transport worker at commuters kasunod ng inaprubahang dagdag-pasahe sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa world market.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, kailangan ang fare increase upang matulungan ang mga jeepney operator at driver sa mataas na gastos sa gasolina, habang isinasaalang-alang ang kapakanan ng mga pasahero.
“Alam natin na maraming mabibigatan sa pagtaas na ito ng pasahe. Pero dapat balance ito para sa kapakanan ng transport sector at ng ating commuters. Hindi puwedeng isang grupo lang ang panalo,” ani Castro.
Sinabi ni Castro na patuloy ang tulong ng pamahalaan sa mga apektadong transport worker, kabilang ang fuel subsidy.
“Ang pagbibigay ng mga ayuda, nandiyan ang fuel subsidy. Sila nga ang unang binigyan ng ayuda,” ani Castro.
Sa ilalim ng bagong fare increase, P14 na ang minimum fare sa traditional jeepney mula P13, habang P17 naman sa modern jeepney mula P15. May dagdag ding pasahe sa mga bus, UV Express, taxi, TNVS at point-to-point buses.
Tiniyak naman ni Castro na mananatili ang mga diskwento sa pasahe para sa estudyante, senior citizens at PWDs.
Winika pa nito na patuloy na pag-aaralan ang mga hakbang upang mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng langis at pasahe sa commuters.
Samantala, iginagalang ng pamahalaan ang karapatan sa mapayapang protesta at nananawagan sa mga nagpoprotesta na panatilihing maayos at mapayapa ang kanilang mga kilos. (KRIS JOSE)