Home NATIONWIDE 20 testigo vs VP Sara sa unexplained wealth, gustong bawasan ng prosecution

20 testigo vs VP Sara sa unexplained wealth, gustong bawasan ng prosecution

1
0

MANILA, Philippines – Nag-alok ang House prosecution panel nitong Lunes na magkasundo na lang sa ilang simpleng pag-amin sa mga bank records ni Vice President Sara Duterte upang mapabilis ang impeachment trial at maiwasan ang pagharap ng hanggang 20 testigo.

Ang alok ay ginawa matapos itulak ng mga abogado ni VP Duterte na ibasura ang kanilang “Request for Admission” — isang hakbang na layunin umanong paliitin ang mga isyung pinagtatalunan at maiwasan ang mahabang testimonya sa mga bagay na madali namang mapatunayan.

Ayon kay House prosecutor at Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno, handa silang bawiin ang kanilang request kung papayag ang kampo ni Duterte na magkasundo sa tatlong bagay lang:

Nage-exist ang mga bank records;  Ito ay galing sa mga kinilalang bangko at ginawa alinsunod sa subpoena ng Senate impeachment court; at Tunay at orihinal na kopya ang mga ito ng records na hawak at inisyu ng mga bangko.

“Ganoon lang po kasimple, Your Honors. We will withdraw our request for admission if the respondent will agree to this,” sabi ni Diokno sa hukuman.

Nilinaw ni Diokno na hindi nito ibig sabihin na aamin si VP Duterte ng kasalanan.

“The proposed stipulations would not require the respondent to admit liability, the truth or accuracy of every entry, or the prosecution’s interpretation of any transaction,” paliwanag niya.

“The respondent would remain free to contest the relevance, meaning, evidentiary weight and legal effect of the records,” dagdag niya.

Sinabi ni Diokno na kung magkakasundo sila, maaari nilang tanggalin ang 10 hanggang 20 testigo na magpapatotoo tungkol sa Article II ng Articles of Impeachment — ang alegasyon ng “unexplained wealth.”

“Kung makapagkasunduan po tayo with the defense, we would be able to dispense with about at least 10 to 20 witnesses who would be testifying on the same things anyway,” ani Diokno.

Tinutulan ng depensa ni VP Duterte ang request for admission.

Ayon sa kanila, hindi dapat i-apply ang Rule 26 ng Rules of Court sa impeachment proceedings at lalabag ito sa karapatan ni Duterte laban sa self-incrimination.

Pero sabi ni Diokno, wala sa mga dahilan na iyon ang sapat para ibasura ang buong kahilingan. Binanggit din niya na sa sarili ring sagot ng depensa, sinabi nitong “available pa rin ang stipulations” kung gusto talagang pabilisin ang pagdinig.

“The prosecution is prepared to take the respondent at her word,” sabi ni Diokno.

Iginiit din niya na direktang galing sa mga bangko ang mga financial records bilang pagsunod sa subpoena ng korte, at hindi dumaan sa prosecution. Wala rin aniyang sinabi ang depensa na “fake” ang mga dokumento.

Sinabi naman ni lead defense counsel Shiela Sison na hindi pa sila agad makapagpapasya.

Minamarka pa aniya ang karagdagang bank records at kailangan pa nilang suriin ang mga ito.

Pinag-utos ni Senate President at presiding officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na ilagay sa papel ni Diokno ang proposed stipulations para opisyal na makasagot ang depensa.

“The court will issue the ruling within the week, if not tomorrow,” sabi ni Escudero.

Patuloy pa rin ang pagdinig ng Senate Impeachment Court sa Article II na nagsasabing nagkamal si VP Duterte ng hindi maipaliwanag na yaman at hindi lubos na idineklara ang kanyang mga ari-arian.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here