Home NATIONWIDE Gobyerno nalulugi ng P52 billion sa tobacco, vape smuggling taun-taon – DOF

Gobyerno nalulugi ng P52 billion sa tobacco, vape smuggling taun-taon – DOF

MANILA, Philippines – NAWALAN ng kita ang gobyerno mula sa tobacco at vape smuggling na nagkakahalaga ng P52 billion taun-taon.

“We’re losing P35 billion in tobacco and the vape would probably be about P17 billion,” ang sinabi ni Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto sa idinaos na Senate interpellation sa panukalang 2025 budget ng departamento.

Kagyat naman na itinala ni Senator Grace Poe, sponsor ng budget ang rekord na ito.

Sinabi ni Poe na ang tobacco at vape products importers ay dapat na magparehistro sa Bureau of Internal Revenues (BIR).

Ang approval seal aniya ay dapat na ilagay sa tobacco at vape products bago ibyahe o dalhin sa PIlipinas.

Nauna rito, iniulat ng Bureau of Customs (BOC) ang pagkakasabat ng hanggang P50 billion na halaga ng mga smuggled products sa bansa mula noong January 2024 hanggang ngayong buwan.

Isa sa pinakamalaking bulto nito ay binubuo ng mga tobacco at vape products na umaabot sa P1 billion.

Ang iba pang mga produkto ay kinabibilangan ng mga motor parts, smuggled agri products, at iba pa.

Ayon sa BOC, epektibo ang pakikipagtulungan nito sa Philippine Navy at Philippine Coast Guard na para mabantayan ang mga katubigan na kadalasang ginagamit ng mga smugglers para maipasok ang kanilang mga produkto.

Pinakahuling operasyon dito ay ang pagkakadiskubre sa kabuuang P94 million na halaga ng mga smuggled motor parts at mga accessories kasama na ang vape products sa ilang mga bodega sa Manila at Laguna.

Samantala, maliban sa pagkumpiska sa smuggled tobacco at vape products, sinabi n Recto na layon ng DOF na ipanukala na amiyendahan ang vape law sa Pilipinas para alisin ang kaibhan o pagkakaiba ng vape products para sa uniform tax rate. Kris Jose