BULACAN, Philippines – Hinikayat ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang publiko na magsuot ng face mask, maghugas ng kamay at iba pa para makaiwas sa napaulat na kaso ng COVID 19 sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon sa memorandum na inilabas ni Governor Daniel Fernando, hinikayat niya ang lahat ng punong lungsod, bayan, lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan at lahat ng puno ng tanggapan ng pagamutan dito ang pagpapatupad ng mga hakbang sa pag-iwas sa COVID-19 at iba pang respiratory illnesses.
Unang nakapaloob sa kautusan ang pagsusuot ng face mask sa mga matatao, pampbublikong lugar, health facilities lalo na ang mga may sintomas ng respiratory illness.
Sumunod ang regular na hand hygiene sa pamamagitan ng madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig o paggamit ng alcohol-based hand sanitizer.
Manatili sa bahay at huwag munang pumasok sa opisina o paaralan kung nakakaranas ng lagnat, ubo, sipon o iba pang sintomas ng respiratory illness at agad magpakonsulta sa doktor o pinakamalapit na health facility.
Sa huli, ang pagpapanatili ng maayos na bentilasyon sa mga opisina, health facilities, paaralan at iba pang pampublikong lugar at pag-iwas sa malapit na pakikisalamuha sa taong may sakit.
Hinimok din ni Fernando ang lahat ng mga punong tanggapan na nabanggit ang mahigpit na pagpapatupad sa mga nabanggit na hakbang at magsagawa ng angkop na impormasyon at paalala sa kanilang mga kawani at mga kliyente.
“Ang patuloy na pag-iingat at sama-samang disiplina ay mahalaga upang mapanatiling ligtas at protektado ang bawat Bulakenyo,” anang gobernador. (Dick Mirasol III)







