Home NATIONWIDE Gobyerno patuloy na lilikha ng dekalidad na trabaho – Malakanyang

Gobyerno patuloy na lilikha ng dekalidad na trabaho – Malakanyang

2
0

MANILA, Philippines – PATULOY ang pamahalaan sa paglikha ng de-kalidad at produktibong trabaho para sa mga Pilipino kahit tumaas ng antas ng employment sa bansa noong Abril 2026.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na batay sa datos na inilahad ni Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan umabot na sa 48.89 milyon ang kabuuang bilang ng mga may trabaho noong Abril 2026, kung saan 62.3 porsiyento nito ay mula sa sektor ng serbisyo.

“Ang total employment ay tumaas sa 48.89 million noong Abril 2026, kung saan ang services sector ang may pinakamalaking bahagi na 62.3 porsiyento.

Marami mang hamon sa ating ekonomiya, hindi sumusuko ang mga Pilipino at patuloy ang interventions ng pamahalaan, tulad ng paglikha ng de-kalidad at produktibong trabaho, paghikayat sa investments, at pagbibigay ng livelihood sa mga nawawalan ng trabaho at bumalik na OFWs na naging maganda ang resulta,” diin ni Castro.

“Bagama’t tumaas ang employment rate, patuloy pa rin ang ating gobyerno sa paglikha ng de-kalidad na trabaho at pagbibigay ng mga proyektong pangkabuhayan sa ating mga kababayan,” dagdag niya.

Ayon kay Castro, ang positibong datos sa employment ay sumasalamin sa katatagan ng mga manggagawang Pilipino at sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na lumikha ng de-kalidad na trabaho, makahikayat ng mga pamumuhunan, at makapagbigay ng tulong pangkabuhayan sa mga nawalan ng trabaho at mga nagbalik na overseas Filipino workers (OFWs).

Binanggit din ni Castro ang pahayag ni Department of Labor and Employment Secretary Francis Tolentino, na nagbigay-diin sa patuloy na pagtutok ng administrasyon sa paglikha ng trabaho, social protection, at pagpapabuti ng mga serbisyong pampubliko.

“Ayon naman po kay Secretary Francis Tolentino, ang gobyerno ay patuloy na gumaganap at nakatuon sa agenda ng trabaho, social protection, at pagpapabuti ng mga serbisyong pampubliko,” ani Castro.

Binigyang-diin din ni Castro ang layunin ng administrasyon na higit pang palakasin ang kakayahan ng mga manggagawang Pilipino upang maging mas competitive at magkaroon ng malinaw na landas mula edukasyon patungo sa hanapbuhay.

“Pinapalakas ng gobyerno ang kakayahan ng mga manggagawa upang maging mas makipagkumpetensya at bumuo ng malinaw na landas mula edukasyon patungo sa hanapbuhay,” ani Castro.

Dagdag pa ni Castro, magpapatuloy ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programang magbibigay sa mga manggagawa ng mga kasanayang kailangan upang makasabay sa mabilis na pagbabago ng labor market at mapalawak ang access sa mga oportunidad sa trabaho para sa mas maraming Pilipino.

“Dapat tayong maging positibo dahil hindi tumitigil ang gobyerno sa pagtatrabaho, lalo na ang Pangulo na patuloy na nagsisikap upang maibigay ang kinakailangang kakayahan at oportunidad sa ating mga kababayan,” pagtatapos ni Castro. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here