MANILA, Philippines – Mabilis na kumilos ang Philippine Coast Guard (PCG) upang pigilan ang pagkalat ng tumagas na Langis mula sa barkong LCT MSCI 1 (Landing Craft Tank) matapos mag- emergency beaching o sadyang nagpasadsad sa karagatang sakop ng Barangay La Virgen Milagrosa, Ilocos Norte kahapon, Hunyo 9.
Naglatag ang PCG katuwang ang iba pang kaugnay na ahensya ng pamahalaan ng dalawang linya ng oil spill booms upang mapigilan ang pagkalat ng langis.
Agad ding nagpadala ang mga responder ng mga absorbent pads at absorbent booms para simulan ang recovery operations.
Ligtas at nasa mabuti na ring kalagayan ang lahat ng 15 tripulante.
Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang environmental protection at monitoring operations ng PCG upang hindi na kumalat pa ang tumagas na langis mula sa barko. Jocelyn Tabangcura-Domenden