Home METRO Gov’t employee sa Iloilo, timbog sa P7.78-M tobats

Gov’t employee sa Iloilo, timbog sa P7.78-M tobats

1
0

ILOILO CITY — Arestado ang isang truck driver na empleyado ng pamahalaang panlalawigan ng Iloilo matapos makumpiskahan ng mahigit 1.14 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang P7.78 milyon sa isang anti-drug operation sa Sta. Barbara, Iloilo nitong Miyerkules.

Isinagawa ang operasyon ng mga operatiba ng Iloilo Police Provincial Office (IPPO), Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na nagresulta sa pagkakaaresto ng 51-anyos na suspek na residente ng Barangay Don T. Lutero East, Janiuay, Iloilo.

Nasamsam mula sa suspek ang tatlong malalaking zip-lock bags, dalawang malalaking knot-tied plastic packs, 10 malalaking heat-sealed sachets, at tatlong regular-sized sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Ayon kay IPPO spokesperson Lt. Col. Arnel Solis, paiigtingin pa ng pulisya ang kampanya laban sa ilegal na droga sa buong lalawigan.

“We are grateful for the information and support provided by members of the community, whose vigilance and alertness have been instrumental in maintaining peace and order in their respective localities. Their continued cooperation greatly contributes to the success of our anti-illegal drug operations,” ani Solis.

Sinabi naman ni PDEU chief Maj. Dadjie Delima na kabilang ang suspek sa watchlist ng Philippine National Police at PDEA.

Ayon kay Delima, umano’y nagsusuplay ng ilegal na droga ang suspek sa una, ikalawa, at ikatlong distrito ng Iloilo.

Sinabi naman ni Governor Arthur Defensor Jr. na dapat harapin ng suspek ang kaso at panagutan ang kanyang mga aksyon.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here