Home METRO GRO binaril ng kainuman sa kinanta sa videoke

GRO binaril ng kainuman sa kinanta sa videoke

MANILA, Philippines – Naka-confine sa DMMC hospital ang isang guest relation officer (GRO) nang pagbabarilin ito ng kanyang kainuman matapos na magtalo sa kinanta sa videoke, madaling-araw ng Lunes, Mayo 5, sa Barangay Poblacion 3, Tanauan, Batangas.

Ang biktima ay nagtamo ng tama ng bala mula sa hindi pa matukoy na baril sa leeg at mukha.

Kinilala ang biktima na si alyas Lorna, 34, GRO, at naninirahan sa nabanggit na lugar.

Samantalang ang suspek na mabilis na tumakas lulan ng tricycle dala ang armas na ginamit ay patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.

Kinilala naman ito sa alyas Sandro, nasa hustong gulang, at residente ng kaparehong lungsod.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen, dakong alas-12:30 ng madaling-araw, habang ang biktima at suspek ay kapwa nag-iinuman kasama ang ilang kaibigan sa isang resto bar ay bigla na lamang nagtalo ang biktima at suspek hinggil sa kinakanta sa videoke.

Napag-alaman na, kasalukuyan umanong nasa labas ng resto bar ang biktima kung saan kaagad itong pinagbabaril ng suspek matapos ang insidente at mabilis na tumakas lulan ng tricycle. Ellen Apostol