MANILA, Philippines – Iginiit ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na ang deklarasyon ng Food Security Emergency ng administrasyong Marcos Jr. at ng Department of Agriculture (DA) ay malinaw na panibagong pambubudol na nagtatago sa aniyo ng mga huwad na solusyon sa malalang problema ng mataas na presyo ng bigas.
“Walang dudang band-aid solution lamang ang deklarasyong ito. Para bang sinusubukang takpan ang malalang sugat na likha ng Rice Liberalization Law at iba pang neoliberal na polisiyang anti-magsasaka at anti-mamamayan,” ani KMP chairperson Danilo Ramos.
Ayon sa KMP, ang plano ng DA na maglabas ng 300,000 metric tons ng bigas ng National Food Authority sa merkado ay para lamang sa dalawang hanggang tatlong araw na konsumo. Hindi nito tinutugunan ang ugat ng mataas na presyo ng bigas, gayundin ang pagkalugmok ng mga magsasaka at konsyumer.
Sinabi ni Ramos na isa ring kandidatong Senador ng Makabayan na isang Pagpapanggap ang ginagawa ng DA na susuportahan daw ang mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng pagbili ng lokal na palay, habang tuloy-tuloy ang pag-asa ng gobyerno sa importasyon. “Sa taong 2024, umabot sa 4.68 milyong metric tons ang inangkat na bigas ng Pilipinas, at inaasahang lalagpas pa ito sa 5.22 milyong metric tons ngayong 2025. Pinapabagsak ng walang kontrol na importasyon ang farmgate price ng palay at lalo pang nagpapahirap sa mga magsasaka,” ani Ramos.
Kabilang din sa mga diumano’y solusyon ng DA ang pagtatakda ng Maximum Suggested Retail Price (MSRP) para sa bigas. Pero ayon sa KMP, malinaw na ito ay isa lamang ilusyon.
“Hindi maibaba ang presyo ng bigas kung ang kontrol sa suplay at pagpepresyo ay nasa mga pribadong trader at importer. Habang ipinapasa ng gobyerno ang pasanin sa mga magsasaka, mamimili at maliliit na retailer, walang konkretong aksyon laban sa may pakana ng hoarding, smuggling, at price manipulation,” dagdag pa ni Ramos.
Ayon sa KMP, tahasang pag-amin ng kabiguan ng DA at administrasyong Marcos Jr ang deklarasyon ng Food Security Emergency. Mula Rice Liberalization Law hanggang sa Executive Order No. 62, patuloy na hinayaan ng gobyerno ang kontrol sa suplay ng pagkain ng bansa sa mga dayuhan at pribadong interes.
Hinikayat ng KMP ang sambayanang Pilipino na magkaisa laban sa mga neoliberal na polisiyang nagpapahirap sa bayan. (Santi Celario)