MANILA, Philippines – Nagsagawa ng protesta nitong Lunes ang ilang grupo laban sa malaking pagtaas ng presyo ng langis at nanawagan sa gobyerno na suspindihin ang value-added tax (VAT) at excise tax sa mga produktong petrolyo.
Ikinabahala ng mga jeepney driver ang tumataas na presyo ng gasolina, na nagdudulot ng halos P550 na pagkawala ng kita araw-araw, o P7,000 hanggang P8,000 kada buwan.
Marami sa kanila ay hindi rehistrado kaya hindi nakakatanggap ng subsidy.
“Wala itong saysay, lalo na kung tuloy-tuloy na tumataas ang presyo ng petrolyo. Umaabot ng P550 per day yung mawawalang kita ng ating mga driver. Kapag tinginan po natin sa loob ng 25 days, halos hindi bababa sa P7,000 to P8,000 yung direktang mawawalan. Marami ang hindi nakakatanggap sa subsidy noon at hanggang sa kasalukuyan,” ani PISTON president Mody Floranda.
Paliwanag ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz II na ang mga jeep na may rehistro lamang ang kwalipikado sa subsidy, at tinutukoy pa ng gobyerno kung magkano ang matatanggap bawat driver mula sa P2.5 bilyong pondo. Santi Celario