MANILA, Philippines – MAAARI nang mag-apply ng emergency loan ang mga miyembro at pensiyonado ng Government Service Insurance System (GSIS) sa mga calamity-hit areas sa Mindanao at Laguna.
Ito’y matapos na isailalim sa state of calamity ang mga bayan ng Pikit at Kabacan sa Cotabato kasunod ng pananalasa ng mga bagyong Butchoy at Carina, at maging ang Kabasalan, Zamboanga Sibugay na nakaranas ng mataas na tubig-baha bunsod ng napakalakas na ulan.
Idineklara rin ang state of calamity sa bayan ng Famy sa Laguna matapos hambalusin ng Severe Tropical Storm Enteng.
Sinabi ng GSIS na naglaan ito ng P158 million na magiging accessible para sa 5,777 active members at pensioners na nakatira o nagta-trabaho sa tatlong calamity-hit areas.
“Members and pensioners with existing emergency loan balances may borrow up to P40,000 to enable them to pay their previous loans and receive a maximum net amount of P20,000. Those without existing emergency loans may apply for P20,000. The loan features a low interest rate of 6 percent per annum and a payment period of three years,” ang inihayag pa rin ng GSIS.
Para maging kuwalipikado para sa emergency loan, sinabi ng GSIS na ang mga aktibong miyembro ay dapat na wala sa unpaid leave, walang nakabinbing administration o legal na kaso, walang ‘due at demandable loan’ at nakagawa o nakapaghulog ng six months premium payments bago pa mag-apply.
Tinuran pa rin ng GSIS na ang net take-home pay ay hindi dapat na bababa sa P5,000 gaya ng itinakda sa General Appropriations Act.
Para naman sa mga eligible old-age at disability pensioners, nire-require ng GSIS na mayroon ang mga ito na net monthly pension na 25% matapos kaltasin ang loan amortization.
Winika pa ng GSIS na ang deadline ng aplikasyon sa Mindanao areas ay sa Oktubre 15, 2024; habang ang deadline naman sa Famy, Laguna ay sa Disyembre 15, 2024.
Ang mga eligible members ay maaaring mag- apply sa online para mag-loan sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile app. Kris Jose