Nagpahinga muna si Senator Christopher “Bong” Go sa kanyang “bugbugang iskedyul” para mailapit ang mga serbisyo sa mga tao sa pamamagitan ng pakikisaya, kasama si Willie Revillame, bilang guest host ng “Wil to Win” noong Miyerkules.
Kilala bilang “Mr. Malasakit”, todo-ngiti si Senator Go habang tumutulong kay Kuya Wil sa pagpapasaya sa studio audience at mga manonood sa telebisyon.
Pinatuyan ni Sen. Go sa game show na kaya rin niyang mag-entertain sa isang game show, gaya kung paano niya pagsilbihan ang kapwa Pilipino.
Isa sa mga highlight ng show ay nang tulungan ni Senator Go si Willie sa live segment na guessing game, ang Willie of Fortune, kung saan masigasig niyang pinasaya ang mga kalahok, nakipagbiruan sa kanila at kumanta ng ilang classic hits.
“Six years ago, guest din po ako dati. Masaya po akong nakabalik dito. Ilang taon na ang pagpapasaya ni Kuya Wil sa ating mga kababayan. Nakikita ko na napakainit ng pagtanggap niyo dito,” sabi ni Go sa crowd.
Pinuri ng maraming manonood ang kanyang pagiging down-to-earth, kung saan ang ilan ay nagkomento sa online na lubos nilang na-appreciate ang senador sa pakikisalamuha sa mahihirap.
Lalong nagtawanan ang audience sa hindi inaasahang bloopers ni Go nang pilyo niyang biruin na play money lang ang mga papremyong pera sa game show kaya pabiro rin siyang kinurot sa pisngi ni Kua Wil.
Sa kabila ng tawanan at saya, naglaan ng ilang sandali si Revillame upang ibahagi ang isang kuwento tungkol sa kabaitan ni Senator Go.
Ibinunyag niya na sa kasagsagan ng pandemya, si Senator Go ang gumanap ng mahalagang papel sa pagtiyak na ang “Wowowin Tutok to Win” show ni Willie noong panahong iyon patuloy sa pagpapalabas at pagbibigay ng kagalakan sa mga Pilipino sa bawat tahanan.
“Nung nagkaroon ng COVID, tinawagan ko siya, humingi ako ng tulong. Gumawa ako ng paraan para makapagprograma, yun yung Tutok to Win. Dahil sa kanya, natuloy ‘yung pagtulong ko sa bawat Pilipino, during the COVID years. Siya ay isang taong napakasimple, walang luho, ang taong naniniwala akong mabuting tao,” pagkilala ni Revillame.
Ginunita rin ni Revillame na hinimok siya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbong senador bago ang 2022 elections—hindi para i-pressure siya, kundi para ipaalala sa kanya na maaari niyang ipagpatuloy ang pagtulong sa mga Pilipino sa mas malaking kapasidad.
“Sabi niya sakin, ‘di ka namin pinipilit. Kung ano yung nasa puso mo, ‘yun ang gawin mo,’” sabi ni Revillame ukol sa payo sa kanya ni Duterte.
Bago magpaalam, pinasalamatan ni Senator Go si Revillame sa pagkakataong maging bahagi ng game show at pinuri ang host sa walang tigil na pagbibigay ng kaligayahan sa mga Pilipino sa bansa at sa ibang bansa. RNT