Home METRO Guinness World Record sa pinakamalaking water lanterns, nasungkit ng Pinas

Guinness World Record sa pinakamalaking water lanterns, nasungkit ng Pinas

103
0

MEXICO, Pampanga — Nagtala ng bagong Guinness World Records (GWR) ang Pilipinas para sa pinakamalaking pagpapalutang ng water lanterns matapos magpalutang ng 11,016 parol sa isang 12-ektaryang artipisyal na lawa noong Linggo.

Isinagawa ang record attempt sa Lumina Water Lantern and Music Festival, kung saan pinailawan ng mga ticket-holder ang libu-libong parol at nalampasan ang target na 10,000. Kinumpirma ang tagumpay ni Emi Saito, na ipinadala ng Guinness World Records bilang opisyal na adjudicator.

“After a careful review of the evidence, I am very pleased to announce the result. The largest display of water lanterns consists of 11,016,” pahayag ni Saito sa mga dumalo bandang hatinggabi.

Ang mga paper lantern ay inilagay sa mga kahoy na floaters at pinalagyan ng maliliit na LED lights, na lumutang nang mahigit limang minuto bilang bahagi ng sabayang display na inorganisa ng Vibe Events Management Corp. at The Lakeshore.

Ayon sa mga lokal na opisyal, pinatitibay ng bagong record ang matagal nang tradisyon ng Pampanga sa paggawa ng parol, kabilang ang mga handcrafted lantern at ang tanyag na Giant Lantern Festival na aabot na sa ika-118 taon sa Disyembre.

Ang lawa na pinangyarihan ng event ay bahagi ng The Lakeshore, isang 300-ektaryang residential at recreational development na itinayo 26 taon na ang nakalipas.

Ayon kay James Madrid, presidente ng Vibe Events Management Corp., isinama rin sa aktibidad ang mga hakbang para sa cleanup, disposal at recycling, pati na iba pang eco-friendly na inisyatiba. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here