Home NATIONWIDE Mayor sa California umamin na spy ng Tsina, nagbitiw sa puwesto

Mayor sa California umamin na spy ng Tsina, nagbitiw sa puwesto

73
0

LOS ANGELES — Umamin ng kasalanan ang isang alkalde sa Southern California sa kasong pag-arte bilang ilegal na spy ng pamahalaang Tsina, kasabay ng kanyang pagbibitiw sa puwesto, ayon sa mga opisyal nitong Lunes.

Kinasuhan noong Abril si Arcadia Mayor Eileen Wang ng  Estados Unidos bilang isang spy ng banyagang gobyerno.

Inakusahan siyang nagsagawa ng mga tagubilin ng mga opisyal ng Tsina, kabilang ang pagpapakalat ng mga pro-Beijing na artikulo, nang walang abiso sa pamahalaan ng U.S. gaya ng hinihingi ng batas.

Ang 58-anyos na opisyal ay nahalal noong Nobyembre 2022 bilang miyembro ng limang-personang konseho ng lungsod ng Arcadia, kung saan ang alkalde ay pinipili sa rotasyon.

Ayon kay city manager Dominic Lazzaretto, walang kinalaman ang pondo o kawani ng pamahalaang lungsod sa kaso. “We want to be clear: this investigation concerns individual conduct, and the charges are for conduct that ceased after Ms. Wang was sworn into office in December 2022,” aniya.

Ayon sa mga federal officials, pumayag si Wang na umamin sa felony na may pinakamataas na parusang 10 taong pagkakakulong. Sinabi ng kanyang mga abogado na sina Jason Liang at Brian Sun na kinikilala niya ang bigat ng kaso at inaako ang pananagutan sa “past personal mistakes.”

“She apologizes and is sorry for the mistakes she has made in her personal life,” ayon sa kanyang mga abogado. “Her love and devotion for the Arcadia community have not changed and did not waver.”

Batay sa plea agreement, si Wang at ang kanyang kasamahan na si Yaoning “Mike” Sun ay kumilos mula huling bahagi ng 2020 hanggang 2022 para sa mga opisyal ng People’s Republic of China upang isulong ang pro-PRC na mensahe sa Estados Unidos. Si Sun ay nauna nang umamin sa parehong kaso at kasalukuyang nagsisilbi ng apat na taong sentensiya. Nakatala rin siya bilang treasurer sa 2022 campaign filings ni Wang.

Pinatakbo nina Wang at Sun ang website na U.S. News Center na nakatuon sa Chinese American community at naglalathala ng mga pro-PRC na nilalaman. Sa isang insidente noong Hunyo 2021, agad na ibinahagi ni Wang sa naturang website ang isang sulat mula sa Los Angeles Times na isinulat ng consul general ng Tsina sa Los Angeles, na tumatanggi sa ulat ng genocide at forced labor laban sa Uyghurs sa Xinjiang.

Nauna nang sinabi ng Estados Unidos at ilang bansa na maaaring katumbas ng genocide at crimes against humanity ang mga aksyon ng Tsina laban sa mga Uyghur.

Inaasahang haharap si Wang sa federal court sa Los Angeles upang pormal na umamin ng guilty sa mga susunod na linggo.

Ang Arcadia ay matatagpuan humigit-kumulang 13 milya hilagang-silangan ng Los Angeles at may populasyong nasa 53,000, na karamihan ay Asyano at may malaking komunidad na Tsino. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here