TARLAC CITY — Muling bubuksan ngayong linggo ang Agana Bridge sa Tarlac City para sa mga pedestrian at light vehicles, ngunit paiiralin ang 10-toneladang weight limit, ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon.
Sinabi ni Dizon na posibleng buksan ang tulay sa Setyembre 21 o 22 matapos makumpleto ang natitirang trabaho at load testing.
Papayagan lamang dumaan ang four-wheeled vehicles, coaster at Elf-type trucks habang mananatiling bawal ang malalaking truck at bus.
Maglalagay din ng gantries sa magkabilang dulo ng tulay at magpapatupad ng traffic management scheme katuwang ang lokal na pamahalaan upang matiyak ang pagsunod sa weight limit.
Humingi naman ng paumanhin si Dizon sa isang linggong pagkaantala sa pagbubukas ng tulay at sinabing prayoridad ng DPWH ang kaligtasan ng mga motorista.
Isang bahagi ng Agana Bridge ang gumuho noong Agosto 29 bunsod ng malakas na agos ng tubig at pag-ulan.
Samantala, plano rin ng pamahalaan na magtayo ng dalawang parallel bridges sa Agana at Aquino upang madagdagan ang kapasidad ng mga naturang tulay.
Ayon kay Dizon, may P300 milyong pondong ipinangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa Aquino Bridge, na nasira rin ang gitnang bahagi noong Agosto 28. Jocelyn Tabangcura-Domenden