Home OPINION GUMUHONG AUDITOR’S BUILDING SA THAILAND, PAG-ARALAN

GUMUHONG AUDITOR’S BUILDING SA THAILAND, PAG-ARALAN

MAGANDANG pag-aralan ang 33 palapag na gusali sa Thailand na gumuhong parang sapin-sapin na kakanin o parang pancake na nagpatong-patong ang mga palapag para hindi maganap ito sa atin sa Pinas.

Lumalabas na hindi naman ganoon ang nangyari sa matataas ding gusali sa paligid, lalo na ang mga nakatayo nang kumpleto.

Pero walang nakatitiyak na walang pinsala sa mga ito, gaya ng mga bitak sa kung saan-saang parte ng mga ito.

Una sa mga isipin ang tagal nang pagtatayo ng nasabing gusali na nagmumukhang skeleton pa lamang dahil wala pang mga dingding na lalong magpapatibay nito.

Ayon sa mga builder, aabot ng 1-2 taon ang pagtatayo ng ganitong istruktura at matagal nang luto ang mga semento kaya naman, dapat nang matibay ang gusali at tanging ang mga nasa itaas na lang na bahagi sana ang gumuho o nagiba…kung bago pa ang mga buhos ng semento.

Paliwanag nila, wala pang nakaaalam kung paano pinagdugtong-dugtong ang mga bakal at kalidad ng mga ito.

Hindi umano madaling magiba ang mga bakal na maayos na pinagdudugtong-dugtong.

Sa madaling pagkagiba ng istruktura, may problema umano sa mga ginamit na bakal at kung paano pinagkone-konekta ang mga ito.

Kahit wala umanong dingding na isa sa pampatibay sa istruktura, dapat umanong nakatayo pa ito, lalo na kung iisipin na marami nang makabagong paraan para magtayo ng matibay na matatayog na istruktura.

Sa pangkalahatan, dapat umanong pagaan nang pagaan ang mga materyales habang tumataas ang ginagawang gusali upang hindi basta guguho ito.

Simpleng paliwanag nila, kumbaga sa dingding ng 30 palapag, unang gumamit ng de-sais na hollow block sa unang 10 palapag, de-singko sa mula sa ika-11 hanggang ika-20 palapag at de-kwatro mula sa ika-21 hanggang ika-30 palapag.

Pero dapat bumalik ang lahat sa itinayong mga haligi na siyang pinakamahalagang laban sa sayaw at pagguho at minimum umanong ilapat ang lakas laban sa Magnitude 8 lindol.