MANILA, Philippines – Dinakip ng pulisya ang isang 48-anyos na guro matapos mapanood ng mga awtoridad ang mga malalaswang video na umano’y nagpapakita ng kanyang sekswal na pang-aabuso sa mga menor de edad na lalaking estudyante sa Cavite.
Ayon kay PBGen. Maria Sheila Portento, hepe ng Philippine National Police–Women and Children Protection Center (PNP-WCPC), natunton ng mga imbestigador ang online activities ng guro at natagpuan ang mga video sa pamamagitan ng koordinasyon sa National Center for Missing and Exploited Children at Interpol Child Sexual Exploitation Database.
Kinilala ang suspek bilang isang junior high school teacher na umano’y paulit-ulit o “habitual” ang ginagawang pang-aabuso. Nilinaw ng mga awtoridad na hindi ibinebenta online ang mga video.
“Mayroong 32 video na nagpapakita ng mga pang-aabuso niya. Ginagawan niya ng kahalayang sekswal ang mga menor de edad niyang biktima,” ani Portento.
Dagdag pa niya, umano’y nagbibigay ang guro ng maliit na halaga ng pera sa mga bata matapos ang bawat insidente ng pang-aabuso.
Anim na biktima ang nasagip, kabilang ang tatlong menor de edad. Ang tatlo pa ay menor de edad din noong mangyari ang mga insidente.
Isasailalim ang mga biktima sa psychosocial intervention at counseling.
Ayon kay Portento, masakit ang kasong ito dahil ang umano’y salarin ay isang taong pinagkatiwalaan ng mga magulang sa kanilang mga anak.
“Nakuha ang tiwala ng bata. Kung titingnan natin, may elemento ng grooming dahil naengganyo ang mga bata na gawin ang mga sekswal na akto at nirerekord pa ito,” dagdag niya.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children Act (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act (CSAEM) sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang lawak ng pang-aabuso. Hinikayat din ng mga awtoridad ang mga magulang na bantayan ang online activities ng kanilang mga anak at agad ireport ang anumang kahina-hinalang aktibidad.