Home NATIONWIDE Barko ng Tsina umaaligid sa isinasagawang PH, US, Japan drills

Barko ng Tsina umaaligid sa isinasagawang PH, US, Japan drills

166
0

MANILA, Philppines – Ilang beses namataang malapit sa mga barko ng Pilipinas at Estados Unidos ang mga warship ng Chinese Navy sa isinagawang 15th Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) kasama ang Japan sa West Philippine Sea ngayong linggo.

Isinagawa ang apat na araw na ehersisyo mula Lunes, Pebrero 23 hanggang Huwebes, Pebrero 26, at ito ang kauna-unahang pagkakataon na umabot sa katubigan ng hilagang Batanes ang joint drills ng Pilipinas, US, at Japan.

Lumahok din ang mga aircraft ng tatlong kaalyadong bansa sa isang friendly flight malapit sa Bashi Channel, ang daluyang tubig na naghihiwalay sa Pilipinas at Taiwan. Naglayag naman patungong hilagang dulo ng Batanes ang BRP Antonio Luna, BRP Gabriela Silang ng Philippine Coast Guard, at USS Dewey ng US Navy para sa joint maritime drills.

Noong Pebrero 23, minonitor ng Philippine Navy ang presensya ng Jiangkai II-class missile frigate Liuzhou 573 ng China. Namataan din ang guided-missile destroyer na Hefei 174 ng PLA Navy ilang nautical miles mula sa mga barko ng Pilipinas at US sa katubigan ng hilagang Batanes at malapit sa Bajo de Masinloc mula ikalawang araw hanggang sa huling araw ng MMCA.

“Hindi naman nila tayo binigyan ng radio challenge. Gayunpaman, ‘yung presence nila is illegal kasi nasa loob sila ng [exclusive economic zone] ng Philippines at sumunod sila hanggang Batanes,” ayon kay BRP Antonio Luna commanding officer Capt. Jennifer Monforte.

Sinabi rin niya na ang presensya ng anumang PLA Navy ship sa Batanes ay “not normal.”

“Madalas dito lang sila sa Bajo de Masinloc area… Kapag ganiyan na nag-e-exercise at sumunod sila, para sa akin, hindi na ‘yan normal.”

Nilinaw ni Monforte na hindi dapat ituring na provocation ang pag-abot ng ehersisyo malapit sa Bashi Channel.

“Scheduled exercise ito at nasa loob naman tayo ng EEZ ng Pilipinas. Hindi naman maritime domain ng ibang bansa so hindi ito provocation,” aniya.

Inaangkin ng China ang self-governing Taiwan bilang bahagi ng teritoryo nito at may malawak na claim sa South China Sea, kabilang ang mga lugar sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Noong 2016, nagwagi ang Pilipinas sa arbitration case laban sa malawak na claim ng China sa isang tribunal sa The Hague, Netherlands, subalit patuloy itong hindi kinikilala ng Beijing. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here